sa Disyerto, sa Buhangin at sa Iyo

May tinig na sumisigaw sa ilang. Palayain mo ako.

Sa gitna ng natutuyot na buhangin ay natitipon ang sanlaksang kayamanan. Nakakalat sa disyerto at dinaraanan ng mga kamelyo ng mga manlalakbay mula sa iba’t ibang bansa at lupain at maging sa kabilang ibayo. Wala ni isang puno na magpapaalala na may buhay sa dakong iyon ng daigdig. Sapagkat iyon ay isang dagat-dagatan ng nagaalab ng buhangin na sabik sa ulan at sa ampiyas ng likidong galing sa Maykapal.

Sa ilang…ay naroon ang mga abandonadong lungsod na minsan ay naging tanyag sa kanilang panahon. Ngayon ay tahanan ng mga kaluluwang ligaw na tila hindi pa matanggap ang kanilang pagkawala kahit ilang milyong taon na ang lumipas. Mga kaluluwang nagbabalik. Ngunit teka! Ano’t may isang hindi kabilang? Ano’t may isang hindi dapat naroroon. Ano’t may isang sumisigaw sa ilang. Ano’t may isang ako?

Isa kang manlalakbay na napadako sa aking lungga sa gitna ng mainit na ilang. Isa kang estranghero na kung bakit sa dinami-dami ng lugar na maaaring galugarin ay sa disyertong aking kanlungan ka pa napagawi. Isa kang hangal! Lasing sa isang basong alak ng iyong mga pangarap. Ano’t pinakialaman ang isang walang muwang na nilalang. Ano’t hindi na lamang nagpatuloy sa iyong pagkasigasig na magalugad ang buong mundo. Ano’t pati ako…

Umalis ka! Hindi kita kilala. Hindi kita kaibigan. Hindi rin minamahal. Sino ka! Hindi ka si Batman. Hindi ka si Spiderman. At lalong hindi ka si Superman! Sino ka, kundi isang manlilinlang!

Saan ka nagmula? Anong pakay mo? Pakiusap lang. Umalis ka. Umalis ka sa buhay ko. Umalis ka sapagkat hindi ko kayang tagalan ang presensya mo. Umalis ka sapagkat gusto kong umalis ka.

Malaon ng nakalubog ang araw pagkatapos ng ilang milyong taong paghihintay. Sapagkat walang bundok na maaaring pagkublihan. Walang mga bisig na maaring kandungan. Walang pusong nagmamahal. Walang isang ikaw.

Kailan mahahawi ang ulap na bumabalot sa bahaghari ng tagumpay. Kailan mapapawi ang lungkot na naghahari sa aking hungkag na daigdig. Bakit may panaginip na walang simula at walang wakas. Bakit hanggang ngayon, hindi ka pa rin umaalis…

Paglimot

Dilim ay muling dumatal. Inakay ng takip-silim na sabik sa pagbalot ng liwanag na pilit bubuhayin ng takot. Sa mundong ang palahaw ng nalulumbay ay hindi kelan man maririnig. Hindi kelan man mapapansin. Hindi kelan man susubukang pawiin ng ngiting hanggang ngayon ay nais masilayan mula sa iyong mga labi.

Nais kong sabihin sa iyo na ako’y naninimdim. Naninimdim sapagkat ang karampot na pagsintang natagpuan ay tuluyan ng nilamon ng ganid na pagkakataon. Nais kong tanggapin na ang buhay ay isang laro lamang, isang pandarayang walang katapusan, isang sirkus na walang patutunguhan, isang paghahangad na walang katuparan.

Bakit ka dumating? Bakit inakit ang pusong lagi na’y duhagi ng takot at pangamba. Bakit inalipin ang damdaming sana ngayon ay tahimik na nahihimlay sa saliw ng musika ng pag-iisa. Bakit pinukaw ang kaluluwang matagal nang hindi marunong makadama ng pagtatangi sa isang katulad mong isang panandaliang aliw lamang.

Saan ako tutungo? Nagtatanong ang isip sa mga pangyayaring kayang kaya ko sanang kontrolin at hawakan sa aking mga kamay subalit naigupo ng iyong malambing na ngiti. Saan may lunas sa mga pusong naninimdim at nagdurusa ng dahil sa nasayang na pagibig. Saan may siwang na maaari kong silipin upang makalanghap ng sariwang hangin ng pagbangon. Saan may lugar na naroon ka?

Ito ang kinasadlakan nitong pusong tanga at umaasa. Sana’y umiwas na noon pa sa kabalintunaan ng iyong pagtatampisaw sa batis ng aking hacienda. Hindi na sana nagising ang ulirat ng nahihimbing kong daigdig. Hindi na sana nasaktan ng iyong pagdating at pagalis din. Hindi na sana lumuluha…ngayon!

Hahaha! Nakakatawa ang pusong pilit tinatanggihan ang pagtanggap sa isang totoong kabiguan. Nakakaawa ang pusong pilit ipinaglalaban ang isang katotohanang lipos ng kasinungalingan. Nakakatawa ang damdaming sawi sapagkat sa huli’y magigising siya sa katotohanang pinilit niyang huwag maranasan. Subalit dahil kapalaran lamang ang magtatakda ng totoong bukas ng bawat isa, ikaw at ako ay magiging masayang alaala na lamang ng mga makukulay na araw at sandali noong nakaraang dekada. At sa paglipas ng panahon, pipilitin kong itunghay ang aking mukha upang makita na sa dako pa roon ay may nalalabi pang dahilan upang magpatuloy…

Sa saliw ng lawiswis kawayan

Ilang libong taon na rin ang ginugol ko sa paghabi ng mga tulang iyon. Ilang milya na rin ang nilakbay kasama ka doon sa malapad at walang katapusang dahon ng panahon. Ano nga ba’t patuloy pa ring nag-aabang ng kislap sa siwang ng mga dahong animo’y tinakasan ng lakas. Ano nga ba’t patuloy pa rin ang pagdanak ng dugong kahit kelan ma’y hindi tumulo. Hindi nahulog. Hindi napahid. Hindi kumayat. Hindi umagos.

Anong lugar ang dapat kong puntahan. Upang sabayan ang mga kuliglig sa dakong tahimik. Upang habulin ang mga agila sa dakong masagana. Ilang sigaw ang kailangan kong pakawalan upang nang sa ganoon ay lumipad din ang bantayog ng aking pag-asa. San ka tutungo? Ako, may bukas din bang aakayin ng kahapon na sana’y hindi na lumipas. Ano’t nanikluhod sa sariling kaalaman. Ano’t nahalina sa mga dahong luntian. Saan may bunga ng paghilom nitong damdaming naumid ng sanlaksang sibat na sana’y para sa iyo. Bakit sinalo? Bakit bumaon sa kaibuturan ng pusong walang hinangad kundi ang ikaw ay makitang maligaya. Bakit pinaglaruan? Bakit iniwan?

May himig ang lawiswis kawayan. Himig na tulad ng sa adarnang bakit hindi matagpuan. Himig na kahit na sa luha’y hindi makamtan. Himig na darating ngunit hindi alam kung kailan. Himig ng tuwa. Himig ng panibagong sigla. Ngunit nasaan?

May musika akong nais tugtugin. May awit na nais bigyang-pansin. May mensaheng sana’y nakaabot sa mapurol mong pagiisip na dili iba’t dulot ng makamundong pagnanasa sa kasalukuyan. At ang aking sigaw na sana’y nadinig hanggang sa kaitaastaasan ng mga busilak na ulap na nangahihimlay sa sampung langit. Sa saliw ng lawiswis kawayan. May musika. May tanawin. May tugtuging makabago ngunit sana’y nabigyan ng pagkakataong awitin habang ikaw ay himbing na natutulog at nakalimot sa mundong ating pinagsaluhan.

Sa saliw ng lawiswis kawayan ay kaya kong sayawin ang himig ng iyong kagandahan. Kagandahang bumihag at nag-alay ng wagas na pagibig na tulad ng sa iyo. Sa akin. Sa kanila. Sa inyo.

May paglayang hinihintay ang bagwis na itong pilit ginagapos ng karimlan. Pilit ikinukulong sa lamig ng hanging amihan… Pilit tinutukso sa saliw…

…ng lawiswis kawayan.

Pagdaloy

Ito ang istorya ng buhay mo. Ang pasakit na dinanas mo. Inilahad sa isang laksang mga pahina ng mga personang hindi mo ninais makilala. Hindi ninais na makasama. Hindi ninais na makadaupang-palad.

Ang puso mo’y kilala sa pagiging mapagbata. Ang lahat ng hapdi ay nanatiling nakakubli sa lilim ng punong akasya na kahit kelan ma’y di matitinag ng bagyo. Ang lalim ng sugat na kahit gamutin ng pinakamabisang gamot ay hindi na nga ba maghihilom pa. Ang kakatwang mapaglaro sa isang kulang sa pagkalinga at pagmamahal. Ang halimuyak na sadyang isinabog upang kahit saglit ay maipadama sa’yo na ikaw man ay mahalaga. Ngunit ano’t tumangging sa iyo’y ipagkaloob ang isang ipinangakong bukas na sana’y naging daluyan ng iyong hininga at buhay.

Sa likod ng luha, ikaw ay sumilip. Sinikap aninagin ang makulay na mundong pilit pinalabo ng iyong mga matang pagod at hirap sa dusang kinasadlakan. Ano’t sa kabila ng matibay na pundasyon ng iyong sistema ay pilit pa ring dumaloy ang likidong sana ay hindi na lamang nilikha sapagkat mahapdi ang bawat paglalandas niyon. Hindi nga ba’t tila dahong nalagas sa sanga at ang bawat pagpatak ng luha sa iyong mga mata. Bakit kinaya? Bakit hindi bumigay? Bakit natapos?

Hindi pa nagwawakas. Hindi pa. Hindi pa nagsisimula ang kalbaryo na sinapit mo sa kamay ng mga asong ulol na sana’y hindi na nabuhay kasabay ng iyong kapanahunan.  Bukas, sa kabila ng iyong matinis na halakhak ay dadaloy muli ang luha na sana’y wag na lang sumapit. Ang bukas na sana’y ikaw na lang ang nakakaalam. Ang bukas na sana’y kaya mong pigilan. Kayang sikilin.

At ikaw na pinilit likhain ang mundong sana’y magdudulot ng karilagan ay nauwi sa masaklap na pagdaloy ng poot at paghihiganti. Ng sakit. Ng galit. Ng awa. Saan may matuwid na daan at ikaw ay aking dadalhin doon. Upang maghilom ang sakit. Upang matuto kang mabuhay muli. Upang magwakas ang pagdaloy ng luha sa nangungusap mong mga mata. Upang turuan ka na dumaloy muli kasama ng payapang batis.

…at narinig ko ang agos

Sa lambing ng iyong pagdaloy, ako’y napukaw. Mahinang agos ng buhay sa sanga-sangang ilog ng karimlan. Lagim man ay dumatal sinikap kong sa iyo’y maipamalay. Ang saya. Ang lungkot. Ang tuwa.

Kapalit man ay pagdurusa at pighati nitong pusong sawi, bakit ni minsan hindi nagawang iwan? Hindi nagawang talikdan. Hindi ninais kalimutan.

Saan may pagasa? Saan ang ligaya? Alin ang wasto, itama ang mali. Bakit nagtatanong pa? Saan may liwanag na babalot sa kadilimang pilit kikitil ng buhay. Ng pagasa. Ng lakas. Ng agos. Bakit kahit anong pilit kelan may di lumuha itong mga matang hapis at sabik sa pagbabagong inaasam. Bakit hindi makuhang iganti ang pagkaapi ng kaluluwang nagiisa at napatda sa gitna ng laban. Bakit mayroong ako. Bakit mayroong ikaw?

Ninais kong abutin ang ulap. Ninais kong hawakan ang sumilay na liwanag sa iyong mga mata. Ninais kong lakbayin ang milyang disyerto ng kawalang-hanggan upang sa huli’y makamtan ang mapait at masaklap na katotohanang nagdurugtong sa ating mga landas. Huwag mo akong bulagin. Huwag itago ang isang damdaming hinintay ng kaytagal sa likod ng bawat pagtatampisaw sa ulan. Huwag naising maglaho ang kaunting binhi ng kinabukasan. Bakit hindi tanawin ang kalawakan. Bakit hindi na lang yakapin ang isang milyong dakilang pagpupunyagi na inalay lamang sa iyo mula pa noong kay tagal na. Bakit hindi bilangin ang mga butil ng pag-ibig na sana’y inani at pinakinabangan ng pagmamahal kahit noong nakaraang dekada pa. Alin ang nakakayurak sa pagkatao ng isang sugatang walang tahanan? Ang kalimutan ang isang pangakong hindi binigkas ngunit pinadama o ang makayang liparin ang kabilang ibayo sa pag-asang makilala ka.

Hindi raw wasto ang magpatuloy sa isang ugnayang walang patutunguhan. Subalit saan at hanggang kailan mo pipigilan ang isang bagay na itinakda ng Maykapal. Bakit patuloy kang lalaban kahit alam mong sa huli ay itatanghal kang talunan ng mga ilang hindi nauunawaan ang totoong kahulugan ng katagang sana’y ikaw na lang? Bakit walang humpay ang pagpupunyagi na sana’y makamit ang langit ng iyong pagsuyo. Bakit hindi maisigaw ang awit ng pag-ibig na sana’y sumikat at naisamusika ng lahat ng dakilang musikero. Ano’t nagbabadyang panganib pa rin ang haharapin sa kabila ng katotohanang inibig mo na rin at nagkaisa na ang mga pusong sana’y hindi na lamang nagtagpo. Bakit hindi maikampay ang bagwis ng tagumpay sa saliw ng hanging banayad.

Bakit patuloy ang pag-ulan sa dakong ang tubig ay hindi na kailangan. Bakit ang araw ay nagkukubling animo’y duwag sa bundok na hambog sa kataasan. Bakit hindi marinig ang agos ng tubig na dalisay sa batis ng pag-asa. Bakit tila tumigil na sa pag-ikot ang ating mundo? Bakit kelanma’y hindi na aagos ang ating ilog?