Tila tigalgal

zf3bv4qn-1330299206

Para sa mga nagpakamatay ngayong taon

Hindi ko alam kung sumusulat ako ngayon dahil masaya ako o dahil patong patong ang lebel ng depresyon sa buhay ko. Marahil mas matimbang ang lungkot sa saya. Marahil kahit anong gawin kong pagtakbo ay bakit tila hindi matakasan ang kalungkutan. Kalungkutang mistulang anino na sa tuwina’y nakamasid, nagbabantay, naghihintay na ako’y tuluyang manghina at bumitaw. Umiyak. Sumuko. Maglaho.

Oo, tila kay sarap maglaho kasama ng hangin. Marahil sa wakas makakadama ako ng kagaanan habang inililipad ako patungo sa himpapawid na parang usok na walang patutunguhan.

Walang patutunguhan. Yan ang pinakamahusay na kahulugan ng buhay ko dito sa mundo. Walang patutunguhan.

Masaklap ba? Oo masaklap nga! Subalit bakit tila walang gustong magpahiram ng kamay? Bakit tila walang gustong maghain ng tulong? Bakit pakiramdam ko’y nagiisa ako sa gitna ng milyon milyong taong nakatayo at walang patumanggang nakikipaglaban sa isa’t isa. At ako, nasa ilalim at pinagaapakan ng libo libong mga paang bakit tila maligaya sa pagtalon sa ibabaw ng aking nauupos na katawan?

Minsan tila mas madaling sumuko na lang kesa makipaglaban lalo na kung ang ipinaglalaban mo ay malaon ka nang kinalimutan at binura sa kanilang alaala. Minsan tila mas mainam na huminto upang damayan ang iyong sarili sa pagkakagupo sa kumunoy ng pagdadalamhati. Minsan tila mas karangalang mamatay na nagmamahal kesa mabuhay na magisa at walang kasama.

Patuloy kong tinatanong sa aking sarili? Anong kulang sa akin? Anung kailangan kong gawin upang ako’y iyong ibigin. Upang pagmamahal mo’y makamtan. Upang mga kamay mo’y mahawakan at masabi sa iyo na ikaw lamang ang itinitibok nitong puso at ikaw lamang ang handang ipaglaban habang akong nabubuhay. Ngunit bakit tila kay ilap ng pagkakataon? Bakit tila kay damot ng pagsinta? Bakit hindi maintindihan? Bakit hindi mo makita? Bakit hindi mo matutuhang gustuhin at mahalin ang isang ako?

Minsan tila pinaglalaruan tayo ng tadhana. Yung akala mong ligaya na, naging bato pa. Yung akala mo pagibig na, nadagit pa ng iba. Yung akala mong sasaya ka na, mas matinding buhos ng ulan pala.

Nais kong lapitan ka. Puntahan ka. Nais kong damayan ka sa iyong pagluha. Nais kong maging bahagi ng iyong pagtawa, ng iyong lungkot, ng iyong kagalakan. At nais kong maging bahagi ka ng aking muling pagbangon mula sa putikang kinasasadlakan. Ngunit pano magiging bahagi ng buhay kung ang tulay na nagdurugtong sa ating mga landas ay tuluyang bumagsak at nilamon ng ilog na bakit tila baga kay durot na makita tayong maligaya? Pano may sisilay na bituin ng pagibig kung ang pintong dati’y kay luwang ng bukas ay ngayo’y sarado na tila baga may kinasisindakang magnanakaw o masamang loob.

Masamang loob. Siguro nga’y isa akong masamang loob. Masamang loob sa pagtatangkang nakawin ang iyong puso. Sa pagiisip gabi’t araw na sana ikaw ay akin lamang. Na sana may puwang ang isang tulad ko kahit konting espasyo man lang dyan sa puso mong hibang sa pagmamahal sa kanya. Sya na ang tingin sayo’y basura. Sya na hindi ka kailanman pagaalayan ng tunay na pagibig. Sya na walang pakialam kung ikaw man ay masaktan o lumuha sa kanyang kadahilanan. At ako. Ako na handang gawin ang lahat makuha ka lamang. Ako na handang magsakripisyo upang mabigyan ka ng magandang kinabukasan sa piling ko kung saan ang pagibig sayo ay wagas at walang katapusan. Ako na handang mamatay para sa iyo. Ako na handang masaktan at ialay ang puso at kaluluwa upang ikaw ay maging maligaya.

Oo, ako nga. Ako na hindi mo napapansin. Andito lang ako. Laging nakamasid, laging nakabantay. Laging naghihintay ng pagkakataon na sana lumingon ka upang minsan pa’y magliwanag ang mga mata kong tila tigalgal sa pagkakasalampak sa sahig na sa tuwi-tuwina’y lanip ng luha.

Inaasam asam kita. Mahawakan ang iyong mga kamay. Mahagpos ang iyong buhok at mahalikan ang iyong tenga. Maibulong sa iyo na kahit kailan ako’y walang ibang minahal at inibig kundi ikaw lamang. Nais kong itanong sa iyo kung bakit ngayon ka lang dumating? Kung bakit ngayon lang napansin ang pusong matagal tagal na ding nagbabakasali.

Lagi akong umaasa. Laging nangangako sa sarili na isang araw magiging akin ka. Na ako’y mamahalin mo rin. Na ako’y pupuntahan at hindi na muling iiwan pa. Bawat araw, bawat bagong umaga, may panibagong pag-asa na ibigin ka. At ang puso kong ito’y hindi susuko. Hindi magaalinlangan. Hindi magtatanim ng sama ng loob. Hindi maiinggit. Hindi magagalit. Hindi manghihinayang. Hindi mamamatay. Hindi…

Subalit tila pangarap ka na lang. Tila baga hindi na magkakaroon  ng katotohanan ang pantasya kong bakit hinding hindi maiwaksi kahit patuloy na dinudurog ng iyong kataksilan? Marahil nga’y hibang. Marahil nga’y tila tigalgal sa pagasang hindi mamatay matay na isang araw, lalapitan mo ako, ilalahad ang iyong mga kamay upang akong makatayo, at sasabihin mo sa akin na, “tila tigalgal ka dyan, halika at ako’y iyong samahang mag kape.”

At doon, yayakapin kita ng sobrang higpit hanggang bawat himaymay ng nagkapira-piraso mong puso ay mabuo ng aking wagas na pagmamahal sayo. Yayakapin kita hanggang ikaw ay muling mabuo. Hanggang ang luhang dumadaloy sa iyong mga mata ay tuluyan na ngang matuyo. Hanggang ang masasakit mong karanasan ay tuluyan na ngang maglaho. Hanggang ang puso mo’y hayaang alagaan at mahalin ko nang walang kapantay.

Yayakapin kita ng mahigpit. Hanggang ikaw ay tuluyang masanay sa init ng yakap ko at wag nang bumitaw pa…

 

mula dito ang larawan at hindi inaangkin ng author ng akdang ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s