Kung Sakali…

guyMaraming taon ang lumipas.

Maraming panahon ang sadyang hinayaang lumipas. Upang ang tinig mo’y makalimutan. Upang ang alaala mo’y tuluyan nang maglaho at lamunin ng bawat araw, buwan, taon, dekada. Subalit ano’t ang palahaw ng puso’y sinlakas ng atungal ng bombang yayanig sa iyong pagkatao, sa iyong buhay, sa iyong lihim na pilit ikukubli subalit hindi magtatagumpay.

Maraming beses ka nang nasawi sa pakikipaglaban. Ilang ulit ka nang tinakasan ng ulirat sa bawat hagupit ng kapalaran. Ngunit bakit sa tuwing imumulat ang iyong mga mata’y tila baga walang naaaninag na liwanag ng katotohanang pilit ididikdik sa iyong isipan.

Baluktot. Ang daang iyong tinahak ay katulad ng likaw ng Ilog Amazona. Paikot-ikot. Paliko-liko. Minsan malawak, makitid, mababaw at kung minsan, singlalim ng pusod ng Dagat ng Kanlurang Pilipinas na dili iba’t siyang lulunod sa iyo kapag hindi ka pa nagising sa reyalidad!

Subalit paano nga ba sabihin sa pusong tigib ng pag-aasam na hindi maaari, na imposible, na walang patutunguhan?

Heto ka na naman. Pipiliting subukang umibig. Magbabalak akyatin ang madulas na dalisdis ng pagmamahal upang sa dako pa roon ay maabot ang tuktok ng bundok ng kasiyahan. Kasiyahang dulot ng karanasang ikaw ay mahalin din kapalit ng pagmamahal na iyong inaalay. Subalit ang totoong pagmamahal ay hindi naghihintay ng kapalit -iyan ang sinasabi nila sa makabagong henerasyon.

Putang-ina kung ganoon! Sinong nilalang ang hindi ninais mahalin kapalit ng pagibig nila?

Sino ang hindi nagbabakasali na sana’y may isang darating para sumaklolo sa kanilang kaawa-awang sitwasyon? Araw-araw, nagbabakasakali ang isang tao. Oras-oras nag-aabang ng pagkakataong masilayan at mapansin ng taong kanilang iniibig. Bawat minuto nangangarap ng gising. At bawat gabi, natutulog ng may pagasang bukas -sa pagdatal ng umaga- ay halimuyak ng magandang mukha ng pagibig ang gigising sa kanya.

Hindi nga ba?

Minsan hindi ko maunawaan ang mundo. May mga paniniwala tayong taliwas sa totoong nararamdaman ng tao. Bakit nga ba kaydaming nagmamalinis sa maduming lipunan gayong bawat isang tao nama’y singdumi ng bawat isa din lamang?

Maraming iskolar ang nagpanukala na ang pagibig ay ganito o ganyan subalit ni sila man ay hindi naranasang mahalin ng totoo sa kanilang buong buhay. Magaling pa ang awit dahil naisasalamin nito ang totoong pangyayari.

Oh kay gulo ng mundo. Kasing gulo ng isip ko…