Tag Archives: Tulang Pilipino

Kabilugan

Standard

Marahang naglakbay ang ulap.

Matamis na susuyuin ang buwan. Iwawagwag ang malambot na buntot at ipapagaspas ang mahalimuyak na bagwis. Aawitin ang sanlaksang himno sa hangin. Susuyurin ang kalawakan at magsasabog ng masaganang ambon.

Ambon. Oh tila kay lakas ng ambon sa buhay ko.

Minsan ko pang nilingon ang buwan. Nagtatago sa kailaliman ng ulap. Duwag!

Ano’t hindi maipakita ang liwanag na taglay. Ano’t ngayo’y tila inakay na nagkukubli sa kaibuturan ng kawalan? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagsabi na ang bawat pagibig ay nagwawakas? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagtulak sa pusong lango sa dugo ng kawalang pag-asa. At hindi ba’t ikaw na rin ang kumitil ng buhay sa pagsintang kelan pa nga ba muling mararamdaman?

At yaong karagatang pipi sa iyong mga daing. Yaong kabundukang nagkakailang nangahihimlay sa saliw ng hanging habagat. Ano’t ikaw ay ipinagkanulo sa mapanalantang bagyo? Ano’t hindi nahabag sa iyong kaluluwang sabik sa mainit na yakap at halik.

Oh kay dilim ng landas na aking tinatahak. Nasan ka araw? Nasan ang sanlaksang bintuing isinabog ng Maykapal sa kalawakan upang tanglawan ang aking daan? Hindi ko masilayan. Ang aking mga mata’y hilam sa luhang bakit walang katapusan ang pagdaloy? Ang aking katawang lugmok sa kumunoy ng iyong alaala ay bakit hindi huminahon?

Oh kay liwanag ng buwan. Oh kay sigla ng sikat ng liwanag na magdudugtong sa aking mga pangarap. Pangarap na makamtan ang puso mong bakit tila kay ilap? Pangarap na mahawakan ang iyong mga kamay na bakit tila kay hirap abutin. Pangarap na umuwing kasama ka. Pangarap. Oh ang mga hinabing pangarap. Ano’t nakahandusay sa hagdan ng karimlan. At ang diwang nahirati sa tugtugin ng iyong hininga tuwing ikaw ay tulog at walang malay ay unti unting babangon at gigising sa kabalintunaan ng lahat.

Oh kay liwanag ng buwan. Subalit ito’y nagkukubli sa ulap.

Tulungan mo akong makakita. Hawakan mo ang aking mga kamay upang nang sa gayon ay muling madama ang daloy ng dugo sa aking mga kalamnan. Akayin mo ako patungo sa iyong liwanag at huwag hayaang ibayubay ang sarili sa krus ng kapalaluan.

Itanim mo sa aking isipan kung ano ang tama. Idikdik mo sa aking utak kung ano ang nararapat. Halibasin mo ng kidlat yaring pusong baliw sa iyong pagsuyo. Gisingin mo ako sa bangungot na papaslang sa aking buhay.

Isakay mo ako sa ulap. Pabayaang matanaw ang ganda ng mundong ibabaw. Pabayaang masilayan ang mga anghel na bakit tila kay saya sa kanilang puting kasuotan. Pabayaang sungkitin ang mga bulalakaw na hindi alam kung saan patungo. Hindi nga ba’t sila’y mga kaluluwang naliligaw ng landas. Mga pusong napabayaan. Mga damdaming nakalimutan.

Hungkag yaring gabi.

Kaparis ay pagibig mong matingkad pa sa sikat ng buwan ang kasinungalingan. Kaparis ay ang inalay mong puso na kasing tigas ng bakal. Kaparis ay ang ang hindi mapantayang pagpukaw ng iyong mga alaala sa aking balintataw.

Isa kang magnanakaw… ng puso. Sumisipsip ka ng buhay. Kaparis mo’y ahas na may taglay na kamandag o di kaya nama’y tigreng luluray sa aking naghihingalong katawang lupa. Ngunit hindi ko matanaw ang buwan.

Isang hiling lang ang mayron ang katulad kong sawi. At iyon ay ang makamtan ang puso mong manhid sa katotohanan. Ano’t kay damot ng kapalaran.

Walang senyales ang buwan. Marahil ito man ay tuluyan nang narahuyo sa piling ng ulap na bakit walang kapantay kung magmahal? Marahil ay naakit ng ganda at yumi ng pagibig na bakit ikaw lang ang makapagaalay? Marahil.

Marahil may isang umaga. Pagkatapos ng karimlan ng hatinggabi. Pagkatapos ng mga palahaw ng mga nilalang na uhaw sa kalinga.

Marahil ay pilit na aagawin ang silahis ng araw upang dumatal ang kabilugan sa dakong katanghalian.

Ito ang istorya ng mapait at misteryosong pagibig mo…

Inilalahad ko.

Pumipintig pa rin ang puso.

Naghuhumiyaw pa rin ang isip.

Nagpupumiglas pa rin ang damdamin.

Habang kabilugan…

Palaso…payaso…

Standard

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Bukas…

Standard

Tanaw ko ang luntiang bukirin. Nakikiamok sa nakamamatay na sikat ng araw sa dakong katanghalian. Sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na lunurin ang mga talahib at damong ligaw. Ang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga halamang nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan. Nakita ng aking mga mata…

Tanaw ko ang piping bundok. Sa di kalayuan ay naghahambog ng kanyang taglay na kataasan. Subalit ang pagguho ng lupa’y ano’t hinayaang bumulusok sa kanyang nabibigatang paanan. At ang mga nilalang na ligaw sa pusod ng kanyang kagubatan ay bakit tila hindi nahingalay sa pagsipol ng bagyo…ngunit tanaw ko…

Tanaw ko ang asul na karagatang tulad ng iyong mga matang malaon nang nagpaunawa sa mangmang kong kaisipan ng tunay na pagibig. Ang mga along ano’t nagsalimbayan sa iyong balintataw at humabi ng sanlaksang paghanga mula sa buong daigdig. Ang mga patay na sigay na inanod sa nalulumbay na dalampasigan at nagbigay ng kakaibang kagandahan sa baybayin ng iyong pagdatal. Lahat ay tanaw ko…

Tanaw ko ang luhang umusbong sa iyong mga mata. Nang mahati ang langit at lupa at gumuho ang kastilyong yari sa lantay na perlas ng silangan. Subalit sadyang mayroong mga bagay na hindi saklaw ng kapangyarihang biyaya ng maykapal. Subalit may mga bagay na sadyang hindi kayang kalamayin ng isang ekspertong hinog sa karanasan. Subalit may mga bagay na kahit pilitin mo man ay hindi kayang matanaw…

…subalit tanaw ko…

Ang pagwawakas ng sangkatauhan na malaon nang itinakda at nasulat sa hindi mabilang na mga aklat ng kasaysayan. At ang awit ng mga anghel ay ano’t hindi mo maunawaan. Marahil bingi o sadyang nagbibingi-bingihan lamang. Mas piniling manatili sa kawalan ng karunungan upang bukas ay maligtas sa kasalanang ano’t hindi makalimutan. Ngunit tanaw ka Niya…

Ilan mang sigaw ang pakawalan. Ilan mang kampay ng mga bisig ay hindi sasapat upang matawid mo ang ilog ng buhay. Sapagkat nahuli na ang lahat. Sapagkat naiwanan ka ng balsang maghahatid sa kabilang ibayo upang muli’y makamtan ang sarap ng mabuhay.

Tanaw ko ang daigdig. Nalulunod sa pagkagumon. At ang panalanging isinamo kahapon, ngayon at bukas…paulit ulit na pumailanlang sa himpapawid. Upang ikaw ay tubusin. Upang ikaw ay sunduin…upang ikaw ay tanawin…upang…

Tanaw ko ang maraming pagtangis…tanaw ko ang kaluluwang nabahiran ng pait at pagdurusa. Ngunit ngayo’y ano’t nabingi sa tunog ng trumpeta. Ng plawta. Ng kamagong.

Tanaw ko…ang sarili kong kaluluwa. Nauupos. Natutunaw. Naglalaho…

Tanaw ko…

Unos

Standard

Hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ano’t sa kabila ng mga nagdaang bagyo ay hindi pa rin maiwaglit ng langit ang katampalasanang ginawa. Marahil ikaw ay isang pagsubok na hindi na kailanman mabubura kahit pa ilang milya ang lakbayin ng mga paang sabik sa paroroonan.

Minsan pinilit kong tapakan ang makahiya kahit ang talampaka’y nagdurugo sa tusok ng mga tinik nito. Minsan pinilit patayin ang pag-asang uusbong na may isang tulad mo na babalik at magsasabog ng makikinang na bituin. Minsan ninais kong sisirin ang kalaliman ng pag-iimbot na bakit hinding hindi lumisan sa aking nalulumbay na mundo. Minsan ginamit kong sandata ang pag-ibig na nabuo upang takasan ang masakit na katotohanang wala ka na at kahit ilang bukas pa ang dumating…kahit ilang araw pa ang sumikat sa umaga…kahit ilang takipsilim ang dumatal…ay wala ng aalo sa nangingilid na luhang walang karapatang pumatak.

Siguro’y mali ako. Siguro’y hindi ka nararapat sa akin, o ako man sa iyo. Siguro’y sadyang walang kislap ang nabuo nating lampara. Siguro’y sadyang hindi makayang liwanagan ang daan upang sa dako pa roon ay magbunga ng ligayang inaasam kahit noong wala ka pa. At ngayon nga’y wala ka na. Ano pa ba ang silbi ng paghahabi ng mga istoryang hindi mo naman mababasa. Ano pa ba ang kahulugan ng buhay kung sa huli’y magwawakas ding tulad ng mga punong natutuyo sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ano pa ba ang dahilan at humihinga pa rin…

Hindi lang sa iyo natatapos ang kabanata ng buhay. Ang sabi ng mga pantas na magaling sa kanilang pagpapayo subalit wasak ang mga sariling buhay. Hindi lang ikaw ang marunong umibig sa mundo at marahil may ibang darating para sa bawat isa. Kung gayon ay isang kahangalan ang matutuhan ang tunay na kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng isang taong hindi naman pala para sa iyo. Isang kalokohan ang maramdaman ang tunay na pag-ibig sa isang taong pagkatapos ng lahat ay lilisan at iiwanan ang kanyang buhay. Hindi nga ba’t minsan ay narinig kong sinabi mo iyon…

Naramdaman kong kay sarap tumawa sa mga panahong wala kang dahilan para gawin ito. Napatunayan kong kay sarap lumipad kapag ang isa mong bagwis ay may sugat na dulot ng huli mong pagkawala ng panimbang at tuluyang pagbagsak sa bangin ng kawalan. Naisip kong kaya ko palang mabuhay na walang tinapay at tubig kung may katalinuhang taglay. Naisip kong hindi pala ikaw ang tunay na kahulugan ng buhay…

Hindi ko mapigilan ang ulan. Marahil masyadong makitid at makipot ang aking mga palad upang sanggahan ang pagkabasa ng mundo. O ang pait. O ang pagkamatay ng aking damdamin. O ang paglalaho ng aking pagmamahal. O ang sinag ng buwan. O ang simoy ng hangin. O ang mga unos na parating pa lamang.

Kahapon

Standard

Kahapon may isang ngiti. Nababalot ng liwanag ng pag-asang tila panghabangbuhay. Walang bahid ng karimlan kahit sa kakaunting luhang mananalaytay sa panahon ng taglagas. Ngunit gumising isang umagang tila takip-silim ang nasilayan. Tila niyebe ang pumapatak mula sa madilim na kalangitan. Tila nabura ang ngiting sa mukha’y malaon nang nakalatay. Tila…

Bukas may isang pagwawaging inaasam. May isang tagumpay na pilit aabutin. Katulad ng mga akdang naisulat noong nakaraang dekada. Katulad ng isang estadong nagpupunyagi upang maging malaya at makapagsarili. Katulad ng alon, ng dagat, ng hangin, ng ulan, ng bahaghari. Ito’y isang karugtong lamang ng mga hinabing salitang walang patutunguhan. Sapagkat ang mundo ay mapanghamak, mapanghusga at mapang-alipusta. Katulad mo, katulad nila. Katulad ng kahapon.

Natanaw ko ang dagat mula sa bintanang pagod sa ilang libong taong pagmamasid. Bughaw na kulay na tila hindi kukupas kahit mahaluan ng ulan. Asul na along nag-aalpas ngunit hindi kailanman makakatakas sa kanyang pagkabilanggo. Ano pa nga ba ang magagawa kung hindi ang maghintay ng takdang panahon na siya’y mabibiyayaan ng pares ng bagwis upang makalipad.

…palayo sa kapalarang hindi niya ninais maranasan. Kapalarang nagdulot ng pagdurusa at paghihinagpis ng pusong hindi alam kung paano lulunasan ang sugat. Sugat na dulot ng kawalang pakundangan. Sugat na dulot ng pagtataksil. Sugat na bukas ay pilit hihilumin ng agos. Agos ng dugong mananalaytay patungo sa kamatayan. Kamatayang dili iba’t siyang inaasam.

Dinggin mo ang halakhak ng alon. Kalamayin ang digmaang sa puso mo’y naghahari mula pa noong kahapon. Kahapong alaala ay wala kung hindi pait at isang pira-pirasong larawan ng harding dati-rati’y humahalimuyak sa bango at ganda. Winasak ng isang pagkagumon sa iyong pagdalaw. Sinira ng isang pagkahaling sa walang kwentang pagsuyong hindi na dapat umusbong pa. Sa iyo. Sa akin. Sa atin.

Kahapon may isang ikaw. Napadaan sa nalulumbay na hardin ng aking buhay. Walang bahid ng kasinungalingan kahit sa kakaunting pagaalinlangang iyong nasaksihan. Ngunit gumising isang hating-gabing tila delubyo ang namalasan. Tila wakas ng daigdig ang pilit na lumalamon sa dating makinang na karwaheng kinahihimlayan. Tila nawalan ng giya sa gitna ng mabatong landas sa kaparangan ng Gresya. Tila…

Pagkagumon

Standard

Muling namayani ang poot. Ang bawat ampiyas ng galit na tila hindi na magwawakas. Muling babangon ang pagkadismaya ng araw sa hindi inaasahang pagbugso ng bagyo. Marahil hindi na maalala ng mapamili mong memorya ang nakaraan. Marahil hindi na magawang balikan ng batugan mong pag-iisip ang nakalipas. Sapagkat kung para sa iyong pananaw ay walang mahalagang pangyayaring nararapat isulat, isa kang hangal! Isang nilalang na walang patutunguhan kung hindi ang pagkalunod sa batis ng kanyang maliit na tagumpay. Isang lantarang kasinungalingan.

Isa kang mandarambong! Isang maalat na tubig ng dagat na hindi magawang luminaw kahit haluan ng tabang. Isang malakas na buhos ng ulan na hindi na maawat ng pinakamainit na sinag ng haring araw. Isang masahol pa sa itim na ulap na babagsak sa lupa at lilikha ng sanlaksang kaguluhan. Isang perpektong kasalanan. Isang busilak na kaluguran ng ibong uhaw sa paglipad sa walang hanggang kalawakan.

Ikaw ang salarin! Magnanakaw ng ngiti sa kanyang mga labi. Hinablot ang nag-iisang pag-asang dapat sana’y naging bantayog ng kanyang tagumpay. Isa kang gahaman! Nilimas ang lahat ng kayamanang magluluklok sa kanya sa trono ng katuwaan. Giniba ang palasyong magpupugay sa kanya bilang isang manananggol ng kapayapaan. Ikaw! Ikaw ang may sala! Ikaw ang nararapat magdusa! Ikaw na tulad ay damong ligaw sa parang…ikaw!

Muli kong narinig ang tunog ng tambol at mga lira. Ano’t hindi nagawang umindak katulad ng dati. Ano’t hindi nakuhang sumayaw sa saliw ng kabuktutang ikaw lamang ang nakakaunawa. At ang awit na malaon ng nakalimutan ng kaluluwa’y ano’t patuloy na papatakan ng luhang walang makatarungang dahilan.

Muling nag-alab ang pagkamuhi. Isa isang pupuksain ang iyong mga alala. Isa isang dudurugin ang mga batong ipinukol ng madla ng dahil sa pag-aakalang may bukas pang darating. Sila man ay mga hangal din! Mga utak-biyang hindi kailanman makakaunawa ng totoong kahulugan ng buhay.

Muling namayani ang poot. Isa isang buburahin ang mga mantsang dulot ng pagkagumon sa maling gamot. Hanap ko ay lunas sa sakit na nararamdaman subali’t ang natagpuan ay lunas sa sobrang kasiyahan. Isang panghabangbuhay na panlilinlang. Isang panghabangbuhay na kasawian. Isang panghabangbuhay na pagkahaling sa epektong dulot ng kamunduhan.

Poot. Galit. Pagkamuhi…ay ilan lamang sa mga bagay na pilit iwawaglit sa aking sistema upang muling madama ang lamig ng pagpatak ng niyebe. Upang muling matutong kilalanin ang mundo. Ang ako. Ang ikaw. Ang lahat.

Pagnanasa ng alon

Standard

Siguro’y may nais ipahiwatig ang bulong ng alon. Siguro’y may nais ipadama. Siguro’y may nais ipakita. Siguro’y may nais ipaunawa ang bawat bulang humahampas ng kusa sa aplayang uhaw sa paulit-ulit na sampal ng maalat na likidong ano’t bumukal sa pusod ng karagatan. Siguro’y guni-guni lamang ng aking pandama…

Naglalagos sa kalaliman ng hubad kong katawan ang tubig alat. Nanunuot sa aking kalamnan ang buhay na taglay ng alon. Bakit walang tinig na marinig sa bawat pag-alpas ng mga agos? Tila mga paslit na pinakawalan sa lansangan ng kamunduhang hindi naipamulat ng tama. Tila mga alitaptap na aandap-andap sa kadiliman ng hatinggabi. Tila isipang gulo sa pagbuhos ng malakas na ulan sa gitna ng tag-araw. Tila marubdob na damdaming sasabog pagkatapos ng ilang taong pananahimik. Tila malabo ang pag-asa. Tila wala na akong maisatitik pa.

Hinawi ng higanteng bagay ang kapayapaan ng alon. Naglayag sa ibabaw ng katubigan ang estrangherong ano’t may lakas ng loob na gambalain ang mga nangagpapahingang diyos ng karagatan. Pangahas!

Nanumbalik ang katahimikan, kaakibat ay walang hanggang kaluwalhatian sa pusod ng kanyang sinapupunan. Isang kaluwalhatiang hindi maaaring pantayan. Hindi maaaring dayain o diktahan –ng tadhanang walang alam kung hindi ang humusga sa tulad mo. Anupa’t isang mabalasik na alon ang wawakas sa sinumang magtangkang kitlin ang kasiyahan. Anupa’t bukas ay aahon sa lupa ang iyong maningning na kaharian. Anupa’t bukas ikaw ay masisilayan. Anupa’t bukas…

Lahat ay isa na namang huwad na katotohanan. Lahat ay isa na namang lantarang pandaraya sa murang isipan. Instrumento ang bula sa isang ga-mundong kasinungalingan. Lalamunin ng alon ang anumang kariktang bunga ng mapangahas mong pagsisid. Kakanin ng tubig ang anumang tapang na inipon sa mahabang panahon. Sapagkat walang makaliligtas —sa iyong matatalim na bugso.

Mahirap languyin ang isang malalim at maalong dagat. Gayundin mahirap magbabad sa isang dalampasigang tigang sa pagdalaw ng alon. Hindi naiiba sa paninirahan sa isang gumuhong lungsod pagkatapos ng mahabang panahon ng giyera. Hindi naiiba sa isang inang tinakasan ng bait dahil sa nawalay na anak. Hindi naiiba sa isang inakay na walang tigil sa pagsiyap ng dahil sa gutom. Hindi naiiba…

Hindi naiiba ang akdang ito. Sapagkat, sa muli mong pagbasa ay masasalamin mo pa rin ang lungkot na sa simula’t simula pa’y naroon na. Hindi naiiba sa alon. Kung saan may karagatan, ito’y naroon. At mamamalagi hanggang sa katapusan ng pinakahuling sibilisasyon. Ngunit magwakas man ang lahat ng nilalang, ang akdang ito’y hindi magmamaliw kailanman. Upang sa muli mong pagpasyal sa dalampasigan ay matagpuan sa tabi ng nakahandusay kong katawan…

Ang pait. Ang takot. Ang sakit. Ang pamamaalam.

Simoy

Standard

Ilang ulit pang umihip ang budyong ng nakaraan. Ilang beses pang inulit ang indayog ng amihang tila naglalaro sa aking balintataw. Ang mga kulay na hindi ko mawari kung saan nangahingalay. Ang mga aninong nagkakandirit sa ilaw. Nananalasa sa aking kaibuturan. Nagdurubdob sa aking katauhan. Naglalagablab patungo sa isang kaluwalhatian.

Ipakita mo sa akin ang kagandahang taglay ng buhay. Ipaunawa mo sa akin ang kahalagahan ng batas ng daigdig. Ipagsabog mo ako ng mga bituin sa walang hanggang hardin ng karimlang kahit kailan ay hindi na nga ba masisilayan ang ningning ng katanghalian. Hayaan mong pulutin ko ang aking kaluluwa sa putikang iwinaksi ng walang patumanggang ampiyas ng ulan. Hayaan mo akong bumangon sa pagkakalugmok sa kumunoy na nakatakdang lumamon sa aking kinabukasan. Pakiusap, hayaan mo…

Ang malamig na dampi ng iyong pagsuyong sa akin ay banayad ay unti-unting naglalaho. Ang pusong tigib ng pag-iisa ay muling luluha sa himig ng iyong haplos. Isang bukas na may indak ang pilit papangaraping makamtan kahit igupo man ng habagat. Sa likod ng matayog na bundok ay may nagkukubling lumbay. Ang walang hanggang pagbuhos ng talon ay piping saksi ng kahapon. Kahapong nagdulot ng walang humpay na dalita. Kahapong itinuring na bukas ngunit lubhang nagkamali sa hinaharap. Kahapong busalan mo man ng ga-suntok na katahimikan ay pilit pa ring sisigaw tulad ng ligaw na ibon sa sementadong kagubatan ng Sahara. Kahapong taglay ang walang kasing linaw na batis ng iyong ngiti. Kahapon…

Ilang ulit pang umihip ang budyong ng nakaraan. Ilang beses pang pinukaw ang nahihimbing na nilalang sa mapagpalang dahon ng paglimot. Isang sigaw ang gigising sa nababangungot na puso at kikitil sa karampot na biyayang natamo. Makailang ulit na madidinig ang pagdaing ngunit hindi matatagpuan. Sapagkat ikaw ay isang bala-balang anino na habangbuhay nang maglalaro sa aking balintataw. Ililipad ang mga emosyong humahabi ng kalungkutan. Tulad ng along pulit-ulit na sumasampal sa dalampasigan. Tulad ng ulap na natitipon sa kaitaasan ng langit. Tulad ng mga planetang mahiwaga sa kalawakan. Tulad ng walang hanggang pag-ibig na iyong inialay. Tulad mo…

Ang simoy ng hangin sa dakong silangan ay tulad mo –walang katulad!

Kung paano ako naging bato…pagkaanod, pagwawakas

Standard

Dito na nagtatapos ang kwento ng aking buhay. At dito rin magsisimula.

Nais kong marinig mo. Ang detalye ng aking salaysay. Nais kong mabasa mo ang pahinang ito ng aking kasaysayan. Sapagkat isang bilyong dekada ang ginugol sa paghabi ng mga salitang ginamit upang mamulaklak ang bawat pangungusap. Upang maabot ng panitikang hilaw sa dunong at lasa ang isip mong mapamintas at mapaghambog.

Nais kong malaman mo. Nais kong iparating sa iyo. Nais kong ilahad sa harapan ng nabubulag mong mga mata. Ang mga tulanghabing hindi natutong lumipad. Ang mga akdang hindi nagawang sumikat –ngunit hindi nagawang malimot ng sinuman. Ang mga tulang hindi nakuhang masulat sa papel at mailathala upang dalawin ng mga ilang uhaw sa bagong babasahin. Nais kong buhayin…

Tinalikuran mo ang aking pagsamo. Kinalimutan ang isang milyong pangako. Ano’t hanggang ngayon yaring isipan ay lango –sa pagsikat ng araw, sa pagdatal ng umaga, sa saliw ng plawta.

Minsan mayroong mga pusong ligaw. Naglalakbay sa kalawakan ngunit hindi alam ang patutunguhan. Nagpapatuloy sa pagakyat sa dalisdis ng kabundukan subalit sa tuktok ay leon at tigre ang tutuklaw. Ano’t may buhay pa? Ano’t may dugong dumadaloy sa ugat ng mga bisig na pagod sa pagkampay. Ano’t hindi ka nahingalay? Ano’t patuloy ang pagbuhos ng ulan…

Minsan may mga taong walang nais kundi ang magmahal ng tulad mo. Sapagkat ikaw ay isang mabuting anak. Isang matuwid at kalugud-lugod na anak na bunga ng isang tunay na pagmamahalan. Sapagkat ikaw ay isang tapat na kaibigang nakilala sa isang jeep patungong paaralan. Isang matalik na kaibigang nanatili at hindi kumupas sa pagdaan ng ilang bagyo at unos na sana’y gumunaw sa ilang marupok na pagsasama. Sapagkat ikaw ay isang mapagmahal na kapatid. Isang nakatatandang kapatid na handang gawin ang lahat upang mapawi ang lungkot na nadarama ng bunsong sabik sa pagsinta ng magulang. Sapagkat ikaw ay isang inaasam na mangingibig. Isang natatanging taong walang kapantay sa maraming nakasaksi sa iyong kagandahang panloob at panlabas. Isang taong nagpaunawa ng kagandahan ng daigdig, isang totoo ngunit lantay na imahinasyon!

Minsan may paghinto. Sumandaling pagpapahinga. Marahil nga ay isa ito sa mga iyon. Marahil kailangan isara ang pinto ng kahapon. Marahil may mga bagay na hindi para sa iyo at hindi para sa akin. Ano’t hindi tinanggap agad. Ano’t nagpakabingi at nagpakabulag ng dahil lamang sa isang magandang panaginip sa hinaharap. Marahil dito na nga nagtatapos ang kwento ng ibong adarna. Sapagkat nalanta na ang Piedras Platas. At diligin man ng ulan ay hindi na muling magbabalik pa —ang isang makulay at makinang na mahika ng punong minsan nating naging mundo.

Minsan, may isang ibon na may magandang kulay at kaakit-akit na bagwis. Ang ibon ay magaling umawit at may nakakaantig na tinig. Umaawit ito tuwing gabi bago matulog, sa puno ng Piedras Platas. Sadyang makapangyarihan at puno ng mahika ang presensya ng ibon sapagkat nagagawa niyang papagliwanagin ang puno sa iba’t-ibang kumikislap na kulay. Minsan, may isang kalapati. Pagod sa paglalakbay at napadapo sa punong iyon. Naakit siya sa ibong naroon na may makukulay na bagwis at magandang tinig. Tumugon ang magandang ibon, lumigaya ang kalapati –lingid sa kanyang kaalaman na siya pala’y nahihimbing sa isang panaginip. Na siya pala’y naiputan ng ibong makulay, nakatulog at naging bato…

Minsan, may isang batong naanod sa ilog…

Ang bahaghari ay isang guni guni lamang ng tao

Standard

Kay tagal ko nang nilalakbay ang bahagharing ito. Nagpabalik balik na sa pitong kulay ngunit hindi pa rin masumpungan ang hinahanap na kayamanan. Ginugol ang buong buhay sa paglandas sa kumikinang na tulay ngunit kahit kelan ay hindi natagpuan.

Nag-aral akong lumipad upang nang sa gayo’y maabot ang kampay ng iyong bagwis. Subalit sa ulap ay may nag-aambang panganib. Na pipigil sa aking hangarin na makisabay sa iyong paglipad. Ngunit ang pangarap man na kahit kelan ay hindi na matutupad ay pipiliting abutin kahit hanggang sa ikapitong langit. Kahit makailang sumambulat ang kulog at makailang punitin ng kidlat ang kalawakan. Kahit mkailang bumuhos ang ulan at magngalit ang karagatan. Ang bahaghari’y hindi matitinag.

Sumigaw ako upang makalaya. Upang minsan pa’y ipadama ang aking kalungkutan. Upang minsan pa’y makamtan ang kapayapaan. Upang minsan pa’y mamayani ang kaunting saya na lunduyan ng pangako. Upang minsan pa’y manahimik. Ang pusong naghahanap ng kabatiran. Sa pagkalumbay na dulot ng iyong paglisan. Dati rati’y may ngiti sa bahagharing naging kanlungan.

Nakatanaw sa buwan sa ilalim ng gabing mapagimbot. Nakikiamok sa dilim na pusikit ng katahimikan. Ano’t ang simoy ng hanging amihan ay tila nangingimbulo sa saliw ng pagtangis ng batis. At ang mga matang hapis ay minsan pang nangarap ng liwanag. At ang pusong lipos ng lumbay ay minsan pang nagnais ng dahilan upang mabuhay. Dati rati’y mabilis ang pagdatal ng umaga. Ano’t ngayo’y kay bagal…

Sana’y dumating na ang umaga. Upang muling masilayan ang araw. Upang muling maisahod ang mga palad sa pagpatak ng ambon. Upang muling abangan ang paglitaw ng bahaghari. Upang muling malakbay ang tulay patungo sa iyong pagsuyo.