Koro: minsan nakasabay kitang umawit ng salmo…

At muli ka ngang lumingon. Gaya ng aking inaasahan. Sapagkat kahit anong sakit ang ating pinagdaanan ay batid mong di ka maaaring kalimutan. Hindi maaaring dayain ang mga sandaling naging masaya. Naging maligaya. Bakit kailangang magwakas ang isang makasaysayang kahapon na kahit isumpa ng langit ay hindi kelanman matitinag. Anong kapangyarihan ang bumalot sa pusong kelanma’y hindi nagkulang sa pagaaruga sa damdaming nais yumabong at mamunga. Bakit hindi nakita? Bakit hindi nadinig ang sigaw ng milyon-milyong selyulang ninais mahagilap ang pag-asa? Bakit hindi sumibol ang binhi ng pagsintang bumubulong ng ikaw na sana.

Sumugod ang ulap, sa likod ng bundok na kasing-kulay ng karagatan. Nagngalit ang kalangitan at pinasinayaan ang luhang ibinagsak sa sangkalupaan. Upang malunod ang mga tala. Upang maanod ang mga kristal na kumikinang sa walang katapusang kadiliman ng kalawakan. Upang pawiin ang mga bahid ng luha sa mga pahina ng ating kasaysayan.

At muli mong tinugtog ang ating musika. Muling pinarinig ang tunog na nagmumula sa lira ng iyong kaluluwa. Muling nanumbalik ang sigla ng awiting nilapatan ng notang galing sa gitara ng iyong pagsuyo. Muling gumising ang natutulog na korong aawit ng panghuling musika ng ating buhay. Muling maririnig ang malamyos na tinig na sa iyo’y ipinagkaloob ng Maykapal. Muli…

At muli ka ngang lumingon. Nangusap ang mga matang pilit pinapaniwalang hindi kayang abutin ang tugatog ng langit. At muli kong nasilayan ang perpektong simbolo ng aking pagkatutong magmahal. Ngunit ikaw ay isang magandang bulaklak na namumukadkad sa kalagitnaan ng tagsibol subalit nakatakdang matuyo at lumipas din bukas pagdatal ng tagaraw. At ang pagmamahalang nabuo sa taglamig ay mauuwi sa pamamaalam kasabay ng taglagas. Ngunit ano’t tinugtog ang musika?

Nabibingi ako. O sadyang hindi ako binayayaang madinig ang pagsamo. O sadyang hindi ako marunong tumanggap ng katotohanan. O sadyang hindi ka marunong magmahal. O sadyang mapaglaro ang tadhana. O sadyang hindi tayo para sa isa’t isa. O sadyang…

musika lamang ang kaya kong dinggin…at hindi ang ikaw o ako. At hindi ang tayo o paalam. At hindi ang minsang pinangarap na umaga…

2 thoughts on “Koro: minsan nakasabay kitang umawit ng salmo…

  1. Maraming salamat ser! Binasa ko ule at minsan pa’y natawa ako at hindi makapaniwalang sinulat ko ito noon. Hahaha! Pero salamat po! Try ko sumulat ulet pag may time.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s