Kabilugan

Marahang naglakbay ang ulap.

Matamis na susuyuin ang buwan. Iwawagwag ang malambot na buntot at ipapagaspas ang mahalimuyak na bagwis. Aawitin ang sanlaksang himno sa hangin. Susuyurin ang kalawakan at magsasabog ng masaganang ambon.

Ambon. Oh tila kay lakas ng ambon sa buhay ko.

Minsan ko pang nilingon ang buwan. Nagtatago sa kailaliman ng ulap. Duwag!

Ano’t hindi maipakita ang liwanag na taglay. Ano’t ngayo’y tila inakay na nagkukubli sa kaibuturan ng kawalan? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagsabi na ang bawat pagibig ay nagwawakas? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagtulak sa pusong lango sa dugo ng kawalang pag-asa. At hindi ba’t ikaw na rin ang kumitil ng buhay sa pagsintang kelan pa nga ba muling mararamdaman?

At yaong karagatang pipi sa iyong mga daing. Yaong kabundukang nagkakailang nangahihimlay sa saliw ng hanging habagat. Ano’t ikaw ay ipinagkanulo sa mapanalantang bagyo? Ano’t hindi nahabag sa iyong kaluluwang sabik sa mainit na yakap at halik.

Oh kay dilim ng landas na aking tinatahak. Nasan ka araw? Nasan ang sanlaksang bintuing isinabog ng Maykapal sa kalawakan upang tanglawan ang aking daan? Hindi ko masilayan. Ang aking mga mata’y hilam sa luhang bakit walang katapusan ang pagdaloy? Ang aking katawang lugmok sa kumunoy ng iyong alaala ay bakit hindi huminahon?

Oh kay liwanag ng buwan. Oh kay sigla ng sikat ng liwanag na magdudugtong sa aking mga pangarap. Pangarap na makamtan ang puso mong bakit tila kay ilap? Pangarap na mahawakan ang iyong mga kamay na bakit tila kay hirap abutin. Pangarap na umuwing kasama ka. Pangarap. Oh ang mga hinabing pangarap. Ano’t nakahandusay sa hagdan ng karimlan. At ang diwang nahirati sa tugtugin ng iyong hininga tuwing ikaw ay tulog at walang malay ay unti unting babangon at gigising sa kabalintunaan ng lahat.

Oh kay liwanag ng buwan. Subalit ito’y nagkukubli sa ulap.

Tulungan mo akong makakita. Hawakan mo ang aking mga kamay upang nang sa gayon ay muling madama ang daloy ng dugo sa aking mga kalamnan. Akayin mo ako patungo sa iyong liwanag at huwag hayaang ibayubay ang sarili sa krus ng kapalaluan.

Itanim mo sa aking isipan kung ano ang tama. Idikdik mo sa aking utak kung ano ang nararapat. Halibasin mo ng kidlat yaring pusong baliw sa iyong pagsuyo. Gisingin mo ako sa bangungot na papaslang sa aking buhay.

Isakay mo ako sa ulap. Pabayaang matanaw ang ganda ng mundong ibabaw. Pabayaang masilayan ang mga anghel na bakit tila kay saya sa kanilang puting kasuotan. Pabayaang sungkitin ang mga bulalakaw na hindi alam kung saan patungo. Hindi nga ba’t sila’y mga kaluluwang naliligaw ng landas. Mga pusong napabayaan. Mga damdaming nakalimutan.

Hungkag yaring gabi.

Kaparis ay pagibig mong matingkad pa sa sikat ng buwan ang kasinungalingan. Kaparis ay ang inalay mong puso na kasing tigas ng bakal. Kaparis ay ang ang hindi mapantayang pagpukaw ng iyong mga alaala sa aking balintataw.

Isa kang magnanakaw… ng puso. Sumisipsip ka ng buhay. Kaparis mo’y ahas na may taglay na kamandag o di kaya nama’y tigreng luluray sa aking naghihingalong katawang lupa. Ngunit hindi ko matanaw ang buwan.

Isang hiling lang ang mayron ang katulad kong sawi. At iyon ay ang makamtan ang puso mong manhid sa katotohanan. Ano’t kay damot ng kapalaran.

Walang senyales ang buwan. Marahil ito man ay tuluyan nang narahuyo sa piling ng ulap na bakit walang kapantay kung magmahal? Marahil ay naakit ng ganda at yumi ng pagibig na bakit ikaw lang ang makapagaalay? Marahil.

Marahil may isang umaga. Pagkatapos ng karimlan ng hatinggabi. Pagkatapos ng mga palahaw ng mga nilalang na uhaw sa kalinga.

Marahil ay pilit na aagawin ang silahis ng araw upang dumatal ang kabilugan sa dakong katanghalian.

Ito ang istorya ng mapait at misteryosong pagibig mo…

Inilalahad ko.

Pumipintig pa rin ang puso.

Naghuhumiyaw pa rin ang isip.

Nagpupumiglas pa rin ang damdamin.

Habang kabilugan…

Advertisements

Palaso…payaso…

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Bukas…

Tanaw ko ang luntiang bukirin. Nakikiamok sa nakamamatay na sikat ng araw sa dakong katanghalian. Sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na lunurin ang mga talahib at damong ligaw. Ang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga halamang nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan. Nakita ng aking mga mata…

Tanaw ko ang piping bundok. Sa di kalayuan ay naghahambog ng kanyang taglay na kataasan. Subalit ang pagguho ng lupa’y ano’t hinayaang bumulusok sa kanyang nabibigatang paanan. At ang mga nilalang na ligaw sa pusod ng kanyang kagubatan ay bakit tila hindi nahingalay sa pagsipol ng bagyo…ngunit tanaw ko…

Tanaw ko ang asul na karagatang tulad ng iyong mga matang malaon nang nagpaunawa sa mangmang kong kaisipan ng tunay na pagibig. Ang mga along ano’t nagsalimbayan sa iyong balintataw at humabi ng sanlaksang paghanga mula sa buong daigdig. Ang mga patay na sigay na inanod sa nalulumbay na dalampasigan at nagbigay ng kakaibang kagandahan sa baybayin ng iyong pagdatal. Lahat ay tanaw ko…

Tanaw ko ang luhang umusbong sa iyong mga mata. Nang mahati ang langit at lupa at gumuho ang kastilyong yari sa lantay na perlas ng silangan. Subalit sadyang mayroong mga bagay na hindi saklaw ng kapangyarihang biyaya ng maykapal. Subalit may mga bagay na sadyang hindi kayang kalamayin ng isang ekspertong hinog sa karanasan. Subalit may mga bagay na kahit pilitin mo man ay hindi kayang matanaw…

…subalit tanaw ko…

Ang pagwawakas ng sangkatauhan na malaon nang itinakda at nasulat sa hindi mabilang na mga aklat ng kasaysayan. At ang awit ng mga anghel ay ano’t hindi mo maunawaan. Marahil bingi o sadyang nagbibingi-bingihan lamang. Mas piniling manatili sa kawalan ng karunungan upang bukas ay maligtas sa kasalanang ano’t hindi makalimutan. Ngunit tanaw ka Niya…

Ilan mang sigaw ang pakawalan. Ilan mang kampay ng mga bisig ay hindi sasapat upang matawid mo ang ilog ng buhay. Sapagkat nahuli na ang lahat. Sapagkat naiwanan ka ng balsang maghahatid sa kabilang ibayo upang muli’y makamtan ang sarap ng mabuhay.

Tanaw ko ang daigdig. Nalulunod sa pagkagumon. At ang panalanging isinamo kahapon, ngayon at bukas…paulit ulit na pumailanlang sa himpapawid. Upang ikaw ay tubusin. Upang ikaw ay sunduin…upang ikaw ay tanawin…upang…

Tanaw ko ang maraming pagtangis…tanaw ko ang kaluluwang nabahiran ng pait at pagdurusa. Ngunit ngayo’y ano’t nabingi sa tunog ng trumpeta. Ng plawta. Ng kamagong.

Tanaw ko…ang sarili kong kaluluwa. Nauupos. Natutunaw. Naglalaho…

Tanaw ko…

Unos

Hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ano’t sa kabila ng mga nagdaang bagyo ay hindi pa rin maiwaglit ng langit ang katampalasanang ginawa. Marahil ikaw ay isang pagsubok na hindi na kailanman mabubura kahit pa ilang milya ang lakbayin ng mga paang sabik sa paroroonan.

Minsan pinilit kong tapakan ang makahiya kahit ang talampaka’y nagdurugo sa tusok ng mga tinik nito. Minsan pinilit patayin ang pag-asang uusbong na may isang tulad mo na babalik at magsasabog ng makikinang na bituin. Minsan ninais kong sisirin ang kalaliman ng pag-iimbot na bakit hinding hindi lumisan sa aking nalulumbay na mundo. Minsan ginamit kong sandata ang pag-ibig na nabuo upang takasan ang masakit na katotohanang wala ka na at kahit ilang bukas pa ang dumating…kahit ilang araw pa ang sumikat sa umaga…kahit ilang takipsilim ang dumatal…ay wala ng aalo sa nangingilid na luhang walang karapatang pumatak.

Siguro’y mali ako. Siguro’y hindi ka nararapat sa akin, o ako man sa iyo. Siguro’y sadyang walang kislap ang nabuo nating lampara. Siguro’y sadyang hindi makayang liwanagan ang daan upang sa dako pa roon ay magbunga ng ligayang inaasam kahit noong wala ka pa. At ngayon nga’y wala ka na. Ano pa ba ang silbi ng paghahabi ng mga istoryang hindi mo naman mababasa. Ano pa ba ang kahulugan ng buhay kung sa huli’y magwawakas ding tulad ng mga punong natutuyo sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ano pa ba ang dahilan at humihinga pa rin…

Hindi lang sa iyo natatapos ang kabanata ng buhay. Ang sabi ng mga pantas na magaling sa kanilang pagpapayo subalit wasak ang mga sariling buhay. Hindi lang ikaw ang marunong umibig sa mundo at marahil may ibang darating para sa bawat isa. Kung gayon ay isang kahangalan ang matutuhan ang tunay na kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng isang taong hindi naman pala para sa iyo. Isang kalokohan ang maramdaman ang tunay na pag-ibig sa isang taong pagkatapos ng lahat ay lilisan at iiwanan ang kanyang buhay. Hindi nga ba’t minsan ay narinig kong sinabi mo iyon…

Naramdaman kong kay sarap tumawa sa mga panahong wala kang dahilan para gawin ito. Napatunayan kong kay sarap lumipad kapag ang isa mong bagwis ay may sugat na dulot ng huli mong pagkawala ng panimbang at tuluyang pagbagsak sa bangin ng kawalan. Naisip kong kaya ko palang mabuhay na walang tinapay at tubig kung may katalinuhang taglay. Naisip kong hindi pala ikaw ang tunay na kahulugan ng buhay…

Hindi ko mapigilan ang ulan. Marahil masyadong makitid at makipot ang aking mga palad upang sanggahan ang pagkabasa ng mundo. O ang pait. O ang pagkamatay ng aking damdamin. O ang paglalaho ng aking pagmamahal. O ang sinag ng buwan. O ang simoy ng hangin. O ang mga unos na parating pa lamang.

Kung paano ako naging bato…pagkaanod, pagwawakas

Dito na nagtatapos ang kwento ng aking buhay. At dito rin magsisimula.

Nais kong marinig mo. Ang detalye ng aking salaysay. Nais kong mabasa mo ang pahinang ito ng aking kasaysayan. Sapagkat isang bilyong dekada ang ginugol sa paghabi ng mga salitang ginamit upang mamulaklak ang bawat pangungusap. Upang maabot ng panitikang hilaw sa dunong at lasa ang isip mong mapamintas at mapaghambog.

Nais kong malaman mo. Nais kong iparating sa iyo. Nais kong ilahad sa harapan ng nabubulag mong mga mata. Ang mga tulanghabing hindi natutong lumipad. Ang mga akdang hindi nagawang sumikat –ngunit hindi nagawang malimot ng sinuman. Ang mga tulang hindi nakuhang masulat sa papel at mailathala upang dalawin ng mga ilang uhaw sa bagong babasahin. Nais kong buhayin…

Tinalikuran mo ang aking pagsamo. Kinalimutan ang isang milyong pangako. Ano’t hanggang ngayon yaring isipan ay lango –sa pagsikat ng araw, sa pagdatal ng umaga, sa saliw ng plawta.

Minsan mayroong mga pusong ligaw. Naglalakbay sa kalawakan ngunit hindi alam ang patutunguhan. Nagpapatuloy sa pagakyat sa dalisdis ng kabundukan subalit sa tuktok ay leon at tigre ang tutuklaw. Ano’t may buhay pa? Ano’t may dugong dumadaloy sa ugat ng mga bisig na pagod sa pagkampay. Ano’t hindi ka nahingalay? Ano’t patuloy ang pagbuhos ng ulan…

Minsan may mga taong walang nais kundi ang magmahal ng tulad mo. Sapagkat ikaw ay isang mabuting anak. Isang matuwid at kalugud-lugod na anak na bunga ng isang tunay na pagmamahalan. Sapagkat ikaw ay isang tapat na kaibigang nakilala sa isang jeep patungong paaralan. Isang matalik na kaibigang nanatili at hindi kumupas sa pagdaan ng ilang bagyo at unos na sana’y gumunaw sa ilang marupok na pagsasama. Sapagkat ikaw ay isang mapagmahal na kapatid. Isang nakatatandang kapatid na handang gawin ang lahat upang mapawi ang lungkot na nadarama ng bunsong sabik sa pagsinta ng magulang. Sapagkat ikaw ay isang inaasam na mangingibig. Isang natatanging taong walang kapantay sa maraming nakasaksi sa iyong kagandahang panloob at panlabas. Isang taong nagpaunawa ng kagandahan ng daigdig, isang totoo ngunit lantay na imahinasyon!

Minsan may paghinto. Sumandaling pagpapahinga. Marahil nga ay isa ito sa mga iyon. Marahil kailangan isara ang pinto ng kahapon. Marahil may mga bagay na hindi para sa iyo at hindi para sa akin. Ano’t hindi tinanggap agad. Ano’t nagpakabingi at nagpakabulag ng dahil lamang sa isang magandang panaginip sa hinaharap. Marahil dito na nga nagtatapos ang kwento ng ibong adarna. Sapagkat nalanta na ang Piedras Platas. At diligin man ng ulan ay hindi na muling magbabalik pa —ang isang makulay at makinang na mahika ng punong minsan nating naging mundo.

Minsan, may isang ibon na may magandang kulay at kaakit-akit na bagwis. Ang ibon ay magaling umawit at may nakakaantig na tinig. Umaawit ito tuwing gabi bago matulog, sa puno ng Piedras Platas. Sadyang makapangyarihan at puno ng mahika ang presensya ng ibon sapagkat nagagawa niyang papagliwanagin ang puno sa iba’t-ibang kumikislap na kulay. Minsan, may isang kalapati. Pagod sa paglalakbay at napadapo sa punong iyon. Naakit siya sa ibong naroon na may makukulay na bagwis at magandang tinig. Tumugon ang magandang ibon, lumigaya ang kalapati –lingid sa kanyang kaalaman na siya pala’y nahihimbing sa isang panaginip. Na siya pala’y naiputan ng ibong makulay, nakatulog at naging bato…

Minsan, may isang batong naanod sa ilog…

Sulyap sa ulap

Kumusta ka na ngayon? Siguro’y nakalimutan mo na ako. Siguro’y nabura na sa alaala ang isang kahapong pilit sinikil ng tadhanang may kakayahang baguhin ang takbo ng ating mga buhay. Siguro’y nakalimot, siguro’y sadyang kapalaran, siguro…

Maraming taon na rin ang lumipas. Maraming pagkakataong pinalampas. Maraming beses naisip na sana’y sinabi sa iyo kung gaano kahalaga ang isang tulad mong dakila sa pagmamahal at pagaaruga. Ngunit ngayo’y lipas na ang mga pagkakataong masasabi ko sa iyo. Na ikaw ay karugtong ng buhay ko. Na ako’y labis na nangulila. Na ako’y nakulangan ng mataas na kalahati ng aking hiningang pinagsikapan mong tipunin upang makayanan ko ang iyong biglang paglisan. Malaon nang nakalipas ang ating panahon. Subalit may nais pa ring ibulong ang puso. Subalit may nais pa ring ipaalala ang hangin. Subalit may nais pa rin akong sabihin…

Minsa’y binalikan ko ang banal na lugar na iyon. Minsa’y tinangkang hukayin ang nakaraan. Minsa’y pinilit ‘wag kalimutan ang isang tulad mong walang katulad. Minsa’y pinilit ‘wag tanggapin ang paglalaho ng iyong anino sa aking likuran. Nariyan ka lang. Noon, ngayon at magpakailanman. Ngunit ano’t nagiisa…

Hanggang ngayo’y nililinlang pa rin ang sarili. Na ikaw ay kasama. Naglalakad na kasabay sa gitna ng mapanglaw na islang ito kung saan ang lahat ay nagsimula. Sana’y ‘wag mo ring isipin na ikaw ay pinabayaan at tuluyang nakalimutan. Sapagkat nagyon ay sasabihin kong ni minsan ay ‘di ka mabubura sa aking balintataw. Nandoon at palaging isisigaw, na mapalad ako’t mayroong isang ikaw.

Naaalala mo pa ba ang espesyal na araw na iyon. Na dinalaw ka at sinabing “kumusta”. Hindi mo na ako kilala. Ngunit nang magunita ay mabilis na naglandas ang mga luha. Luhang kay tagal pinigil. Kay tagal kinimkim. Pusong nagdusa ngunit walang dumamay. Pusong nasaktan at nagisa ng mahabang panahon ngunit walang dumating upang ikaw ay samahan. Ang mga walang utang na loob!

Alam kong alam mo. Alam kong naiitindihan mo. Alam kong hindi sapat ngunit ang tanging makakaya ko ay sariwain yaong masasayang araw na kapiling ka. Yaong makukulay na sandali nang ang bahaghari ang laging natatanaw sa iyong mga mata. Yaong kahapon na hindi na kailanman magbabalik. Kahit na may bukas pa. Kahit na ilang tagumpay pa. Kahit na saan magpunta. Wala ka na…

Maraming sandali na kailangan ko ang iyong paglingap. Noong ako’y nasa bangin ng kawalang pagasa. Noong akong nagsisikap mabuhay na magisa. Nangulila ng lubos sa iyong mga payo, sa iyong mga yakap at pagmamahal na kailan ma’y hindi napasalamatan. Batid mong ako’y bata pa at wala pang malay. Ngayon naman ay huli na. Naghihinayang…

Anupaman, ay nais kong sabihin. Ibulong kasama ng malakas na dagundong ng kulog o ng malamyos at nakababagot na huni ng batis na patuloy na maglalangoy hanggang sa pusod ng dagat. Ikaw ay karugtong ng buhay. Kasama ng tagumpay. Dahilan ng lahat ng pagkatutong umibig at magmahal. Sagot sa milyong katanungan kung bakit ako ay ako at ikaw ay ikaw.

Tama. Isa lang ang nais kong sabihin. At iyon ay hindi kayang ipahayag kahit dagdagan ko pa ito ng isang milyong mga talata na walang kabuluhan kundi ang pagbabakasakali na sana isang araw ay matagpuan ka sa ulap. Sana’y makita kang nakangiti at banayad sa iyong kinalalagyan. Kung kayang tipunin ang mga luha para sa iyo, iyo’y bubuo ng maraming itim na ulap na pagdaka’y babagsak na ulan sa sangkalupaan. Ngunit hindi ko nais na wakasan ang parangal na ito sa iyo ng isang ulan o ambon man. Bagkus ay nais maiparating sa iyo ang aking taos-pusong pasasalamat na ako’y iyong inaruga at binigyan ng buhay upang sa huli’y masilayan ang ganda at pangit na mukha ng iyong daigdig na sa maikling panahon ay kinabilangan.

Kumusta ka na ngayon? Siguro’y naalala mo na rin ako. Siguro’y nanumbalik na sa alaala ang isang makasaysayang istorya ng iyong kahapon dito sa lupa nang may isang batang tumakbo at sumalubong ng buong giliw upang ikaw ay yakapin isang hapon pagkarating mo mula sa kabayanan. Siguro’y naalala mo na, siguro’y sadyang kapalarang ako ngayon ay ganap na, ayon sa iyong mga pangarap at kagustuhan…sana’y napasaya kita…sana…

Blakhowl

Siguro nga’y panaginip lang ang lahat. Siguro ay napaglalangan ako ng makukulay at gumagalaw na mga imahe sa aking sub-conscious. Akala ko’y totoo. Akala ko’y ang saya. Akala ko’y di lilipas. Akala ko’y magtatagal. Akala ko’y totoo. Akala ko…

Minsan sinabi mong ako ang lahat sa iyo. Minsan sinabi mong sa akin lang iikot ang mundo mo. Alam kong hindi nangyayari iyon sa totoong buhay. Ngunit naniwala ako dahil naisip kong idyomatikong ekspresyon iyon mula sa tulad mong nagmamahal. Sinabi mo pang gagawin mo ang lahat. Sinabing hindi magwawakas. Sinabi mo…

Siguro nga’y totoong may hangganan ang lahat. At ang lahat ng kaligayahang naranasan ay haharap sa reyalidad. Na walang ngiting mananalaytay sa ugat ng ating henerasyon. Na ang maitim na ulap ay minsan pang matitipon sa kalawakan upang lamunin ang aking mga pangarap. Sa pagbuhos ng ulan…

Ako’y nahimasmasan. Ako’y nagising sa katotohanang ang tulad mo’y isang guni-guning kahit kailan ay hindi makakamtan. Hindi ka siang bituin, ngunit isa ka namang planeta sa ikalabindalawang galaksi. Tunaw na ang milkiwey. At ako’y naiwan sa blakhowl ng aking panaginip. Nagkukumahog upang makakita ng katiting na liwanag. Ngunit walang araw na sisikat sapagkat ako’y ipinatapon sa dakong di naaabot ng sinag. Ang sakit. Ang hapdi. Ang lungkot.

Naghahanap ako ng manibela. Upang kung sakali’y mapaandar ang blakhowl na aking kinalalagyan. Paliparin itong parang isang ispeysyip. Pasibadin itong parang isang ispeys raket. Ngunit ilang bilyong galaksi ang mayroon sa madilim na kalawakang ito. Ilang bilyong daang taon ang kailangang lakbayin. At ilang buhay ang kailangang idagdag. Upang makita kang muli. Upang maabot ang isang ikaw. Upang sa wakas ay masabing ikaw ang kailangan.

Bakit mo binisita ang mundo ko. Bakit hindi na lang namasyal sa ibang daigdig. Bakit sa planeta ko. Bakit ako. Bakit.

Nakatatawa. Hindi mapigilan ang pagyabong ng pagtatanging nararamdaman para sa iyo. Hindi masawata ang pagbulusok ng pagibig na sana’y hindi na lamang ipinunla ng isang dayuhang tulad mo. Dahil sa likod ng pagyabong at pagbunga ng punong may kakayanang mamulaklak ng ginto ay ang unti-unting pagguho ng bahagharing kahit minsa’y hindi ko natanaw.

Nananaginip nga ako. Nangangarap ng isang planetang naroon ka. Nangangarap ng isang mundong hindi kailanman maaaring mabuo. Sapagkat ang buhay ay hindi ganoon nakadisenyo. Sapagkat ikaw at ako’y hindi ganoon nakatakda. Sapagkat ikaw man ay hindi handa. Sapagkat ako man ay nawawala. Nawala sa sariling daigdig. Sa kagustuhang makalimot sa iyo ay nilimot pati ang sariling pagkatao. Hanggang ako’y maging isang malaking kasinungalingan. Hanggang ako’y maging isang patay na buhay. Hanggang ako’y panawan ng pagiisip. Hanggang ang makulay at makasaysayan kong buhay ay maging isang walang katotorang kawalan. Hanggang ako’y maging isang…

Blakhowl sa kalawakan…