Simoy

Ilang ulit pang umihip ang budyong ng nakaraan. Ilang beses pang inulit ang indayog ng amihang tila naglalaro sa aking balintataw. Ang mga kulay na hindi ko mawari kung saan nangahingalay. Ang mga aninong nagkakandirit sa ilaw. Nananalasa sa aking kaibuturan. Nagdurubdob sa aking katauhan. Naglalagablab patungo sa isang kaluwalhatian.

Ipakita mo sa akin ang kagandahang taglay ng buhay. Ipaunawa mo sa akin ang kahalagahan ng batas ng daigdig. Ipagsabog mo ako ng mga bituin sa walang hanggang hardin ng karimlang kahit kailan ay hindi na nga ba masisilayan ang ningning ng katanghalian. Hayaan mong pulutin ko ang aking kaluluwa sa putikang iwinaksi ng walang patumanggang ampiyas ng ulan. Hayaan mo akong bumangon sa pagkakalugmok sa kumunoy na nakatakdang lumamon sa aking kinabukasan. Pakiusap, hayaan mo…

Ang malamig na dampi ng iyong pagsuyong sa akin ay banayad ay unti-unting naglalaho. Ang pusong tigib ng pag-iisa ay muling luluha sa himig ng iyong haplos. Isang bukas na may indak ang pilit papangaraping makamtan kahit igupo man ng habagat. Sa likod ng matayog na bundok ay may nagkukubling lumbay. Ang walang hanggang pagbuhos ng talon ay piping saksi ng kahapon. Kahapong nagdulot ng walang humpay na dalita. Kahapong itinuring na bukas ngunit lubhang nagkamali sa hinaharap. Kahapong busalan mo man ng ga-suntok na katahimikan ay pilit pa ring sisigaw tulad ng ligaw na ibon sa sementadong kagubatan ng Sahara. Kahapong taglay ang walang kasing linaw na batis ng iyong ngiti. Kahapon…

Ilang ulit pang umihip ang budyong ng nakaraan. Ilang beses pang pinukaw ang nahihimbing na nilalang sa mapagpalang dahon ng paglimot. Isang sigaw ang gigising sa nababangungot na puso at kikitil sa karampot na biyayang natamo. Makailang ulit na madidinig ang pagdaing ngunit hindi matatagpuan. Sapagkat ikaw ay isang bala-balang anino na habangbuhay nang maglalaro sa aking balintataw. Ililipad ang mga emosyong humahabi ng kalungkutan. Tulad ng along pulit-ulit na sumasampal sa dalampasigan. Tulad ng ulap na natitipon sa kaitaasan ng langit. Tulad ng mga planetang mahiwaga sa kalawakan. Tulad ng walang hanggang pag-ibig na iyong inialay. Tulad mo…

Ang simoy ng hangin sa dakong silangan ay tulad mo –walang katulad!

One thought on “Simoy

  1. ang mga kataga na iy0ng ipininta ay naglikha ng obra maestra…gnamit mung tinta ang iy0ng emosy0n..magaling sana makilala kita

Leave a comment