Palaso…payaso…

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Bukas…

Tanaw ko ang luntiang bukirin. Nakikiamok sa nakamamatay na sikat ng araw sa dakong katanghalian. Sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na lunurin ang mga talahib at damong ligaw. Ang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga halamang nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan. Nakita ng aking mga mata…

Tanaw ko ang piping bundok. Sa di kalayuan ay naghahambog ng kanyang taglay na kataasan. Subalit ang pagguho ng lupa’y ano’t hinayaang bumulusok sa kanyang nabibigatang paanan. At ang mga nilalang na ligaw sa pusod ng kanyang kagubatan ay bakit tila hindi nahingalay sa pagsipol ng bagyo…ngunit tanaw ko…

Tanaw ko ang asul na karagatang tulad ng iyong mga matang malaon nang nagpaunawa sa mangmang kong kaisipan ng tunay na pagibig. Ang mga along ano’t nagsalimbayan sa iyong balintataw at humabi ng sanlaksang paghanga mula sa buong daigdig. Ang mga patay na sigay na inanod sa nalulumbay na dalampasigan at nagbigay ng kakaibang kagandahan sa baybayin ng iyong pagdatal. Lahat ay tanaw ko…

Tanaw ko ang luhang umusbong sa iyong mga mata. Nang mahati ang langit at lupa at gumuho ang kastilyong yari sa lantay na perlas ng silangan. Subalit sadyang mayroong mga bagay na hindi saklaw ng kapangyarihang biyaya ng maykapal. Subalit may mga bagay na sadyang hindi kayang kalamayin ng isang ekspertong hinog sa karanasan. Subalit may mga bagay na kahit pilitin mo man ay hindi kayang matanaw…

…subalit tanaw ko…

Ang pagwawakas ng sangkatauhan na malaon nang itinakda at nasulat sa hindi mabilang na mga aklat ng kasaysayan. At ang awit ng mga anghel ay ano’t hindi mo maunawaan. Marahil bingi o sadyang nagbibingi-bingihan lamang. Mas piniling manatili sa kawalan ng karunungan upang bukas ay maligtas sa kasalanang ano’t hindi makalimutan. Ngunit tanaw ka Niya…

Ilan mang sigaw ang pakawalan. Ilan mang kampay ng mga bisig ay hindi sasapat upang matawid mo ang ilog ng buhay. Sapagkat nahuli na ang lahat. Sapagkat naiwanan ka ng balsang maghahatid sa kabilang ibayo upang muli’y makamtan ang sarap ng mabuhay.

Tanaw ko ang daigdig. Nalulunod sa pagkagumon. At ang panalanging isinamo kahapon, ngayon at bukas…paulit ulit na pumailanlang sa himpapawid. Upang ikaw ay tubusin. Upang ikaw ay sunduin…upang ikaw ay tanawin…upang…

Tanaw ko ang maraming pagtangis…tanaw ko ang kaluluwang nabahiran ng pait at pagdurusa. Ngunit ngayo’y ano’t nabingi sa tunog ng trumpeta. Ng plawta. Ng kamagong.

Tanaw ko…ang sarili kong kaluluwa. Nauupos. Natutunaw. Naglalaho…

Tanaw ko…