Tila tigalgal

zf3bv4qn-1330299206

Para sa mga nagpakamatay ngayong taon

Hindi ko alam kung sumusulat ako ngayon dahil masaya ako o dahil patong patong ang lebel ng depresyon sa buhay ko. Marahil mas matimbang ang lungkot sa saya. Marahil kahit anong gawin kong pagtakbo ay bakit tila hindi matakasan ang kalungkutan. Kalungkutang mistulang anino na sa tuwina’y nakamasid, nagbabantay, naghihintay na ako’y tuluyang manghina at bumitaw. Umiyak. Sumuko. Maglaho.

Oo, tila kay sarap maglaho kasama ng hangin. Marahil sa wakas makakadama ako ng kagaanan habang inililipad ako patungo sa himpapawid na parang usok na walang patutunguhan.

Walang patutunguhan. Yan ang pinakamahusay na kahulugan ng buhay ko dito sa mundo. Walang patutunguhan.

Masaklap ba? Oo masaklap nga! Subalit bakit tila walang gustong magpahiram ng kamay? Bakit tila walang gustong maghain ng tulong? Bakit pakiramdam ko’y nagiisa ako sa gitna ng milyon milyong taong nakatayo at walang patumanggang nakikipaglaban sa isa’t isa. At ako, nasa ilalim at pinagaapakan ng libo libong mga paang bakit tila maligaya sa pagtalon sa ibabaw ng aking nauupos na katawan?

Minsan tila mas madaling sumuko na lang kesa makipaglaban lalo na kung ang ipinaglalaban mo ay malaon ka nang kinalimutan at binura sa kanilang alaala. Minsan tila mas mainam na huminto upang damayan ang iyong sarili sa pagkakagupo sa kumunoy ng pagdadalamhati. Minsan tila mas karangalang mamatay na nagmamahal kesa mabuhay na magisa at walang kasama.

Patuloy kong tinatanong sa aking sarili? Anong kulang sa akin? Anung kailangan kong gawin upang ako’y iyong ibigin. Upang pagmamahal mo’y makamtan. Upang mga kamay mo’y mahawakan at masabi sa iyo na ikaw lamang ang itinitibok nitong puso at ikaw lamang ang handang ipaglaban habang akong nabubuhay. Ngunit bakit tila kay ilap ng pagkakataon? Bakit tila kay damot ng pagsinta? Bakit hindi maintindihan? Bakit hindi mo makita? Bakit hindi mo matutuhang gustuhin at mahalin ang isang ako?

Minsan tila pinaglalaruan tayo ng tadhana. Yung akala mong ligaya na, naging bato pa. Yung akala mo pagibig na, nadagit pa ng iba. Yung akala mong sasaya ka na, mas matinding buhos ng ulan pala.

Nais kong lapitan ka. Puntahan ka. Nais kong damayan ka sa iyong pagluha. Nais kong maging bahagi ng iyong pagtawa, ng iyong lungkot, ng iyong kagalakan. At nais kong maging bahagi ka ng aking muling pagbangon mula sa putikang kinasasadlakan. Ngunit pano magiging bahagi ng buhay kung ang tulay na nagdurugtong sa ating mga landas ay tuluyang bumagsak at nilamon ng ilog na bakit tila baga kay durot na makita tayong maligaya? Pano may sisilay na bituin ng pagibig kung ang pintong dati’y kay luwang ng bukas ay ngayo’y sarado na tila baga may kinasisindakang magnanakaw o masamang loob.

Masamang loob. Siguro nga’y isa akong masamang loob. Masamang loob sa pagtatangkang nakawin ang iyong puso. Sa pagiisip gabi’t araw na sana ikaw ay akin lamang. Na sana may puwang ang isang tulad ko kahit konting espasyo man lang dyan sa puso mong hibang sa pagmamahal sa kanya. Sya na ang tingin sayo’y basura. Sya na hindi ka kailanman pagaalayan ng tunay na pagibig. Sya na walang pakialam kung ikaw man ay masaktan o lumuha sa kanyang kadahilanan. At ako. Ako na handang gawin ang lahat makuha ka lamang. Ako na handang magsakripisyo upang mabigyan ka ng magandang kinabukasan sa piling ko kung saan ang pagibig sayo ay wagas at walang katapusan. Ako na handang mamatay para sa iyo. Ako na handang masaktan at ialay ang puso at kaluluwa upang ikaw ay maging maligaya.

Oo, ako nga. Ako na hindi mo napapansin. Andito lang ako. Laging nakamasid, laging nakabantay. Laging naghihintay ng pagkakataon na sana lumingon ka upang minsan pa’y magliwanag ang mga mata kong tila tigalgal sa pagkakasalampak sa sahig na sa tuwi-tuwina’y lanip ng luha.

Inaasam asam kita. Mahawakan ang iyong mga kamay. Mahagpos ang iyong buhok at mahalikan ang iyong tenga. Maibulong sa iyo na kahit kailan ako’y walang ibang minahal at inibig kundi ikaw lamang. Nais kong itanong sa iyo kung bakit ngayon ka lang dumating? Kung bakit ngayon lang napansin ang pusong matagal tagal na ding nagbabakasali.

Lagi akong umaasa. Laging nangangako sa sarili na isang araw magiging akin ka. Na ako’y mamahalin mo rin. Na ako’y pupuntahan at hindi na muling iiwan pa. Bawat araw, bawat bagong umaga, may panibagong pag-asa na ibigin ka. At ang puso kong ito’y hindi susuko. Hindi magaalinlangan. Hindi magtatanim ng sama ng loob. Hindi maiinggit. Hindi magagalit. Hindi manghihinayang. Hindi mamamatay. Hindi…

Subalit tila pangarap ka na lang. Tila baga hindi na magkakaroon  ng katotohanan ang pantasya kong bakit hinding hindi maiwaksi kahit patuloy na dinudurog ng iyong kataksilan? Marahil nga’y hibang. Marahil nga’y tila tigalgal sa pagasang hindi mamatay matay na isang araw, lalapitan mo ako, ilalahad ang iyong mga kamay upang akong makatayo, at sasabihin mo sa akin na, “tila tigalgal ka dyan, halika at ako’y iyong samahang mag kape.”

At doon, yayakapin kita ng sobrang higpit hanggang bawat himaymay ng nagkapira-piraso mong puso ay mabuo ng aking wagas na pagmamahal sayo. Yayakapin kita hanggang ikaw ay muling mabuo. Hanggang ang luhang dumadaloy sa iyong mga mata ay tuluyan na ngang matuyo. Hanggang ang masasakit mong karanasan ay tuluyan na ngang maglaho. Hanggang ang puso mo’y hayaang alagaan at mahalin ko nang walang kapantay.

Yayakapin kita ng mahigpit. Hanggang ikaw ay tuluyang masanay sa init ng yakap ko at wag nang bumitaw pa…

 

mula dito ang larawan at hindi inaangkin ng author ng akdang ito.

Dagitab

Oil-Lamp-4cf54092cf538_hires

para kina Yer at Rob

At patuloy ngang nagningas ang apoy. Apoy na tutupok sa iyong pagal na katawang lupang pilit babangon sa pagkasubasob sa tigang na disyerto ng kahapon.

Oo kahapon! Ginambala ng malakas na ihip ng malabagyong hangin ang walang katapusang kapatagan ng ilang. Umindayog ang mahaharot na alikabok na nakalutang sa iyong balintataw. Naalimpungatan ang mga tila baga’y nangahihimbing na rolyo ng tuyong sanga at baging na pinagbuhol-buhol ng panahon. Panahong siya’y iyong kaulayaw. Panahong siya’y iyong kapiling. Panahong dili iba’t nasayang. Panahong ikaw at siya’y nagdiriwang sa musikang nilikha ng mga halamang ano’t kay tutulis ng tinik na tatarak sa puso?

Oh ang puso! Puso mong kahapo’y kay ligaya – tila walang hanggang kaluwalhatian lamang ang nag-aalab. Ano’t ngayo’y balot ng pagdadalamhating hindi kayang ipaliwanag kahit sumugod pa ang pinakamatatalinong pantas? Ano’t ngayo’y tumatangis na tila ba hindi na mapapatahan ng sanlaksang kaligayahang kailan pa nga ba dadatal?

Pagdatal – ng ngiti, ng bagong pag-asa, ng bagong pagibig, ng bagong ligaya! Hindi iba’t iyong hinintay mula pa noon subalit tila naglahong usok ng nagbabagang batis na unti-unting naiiga sa init ng araw. At ang musikang nagpalundag sa iyong nalulumbay na damdamin ay bakit unti-unting napalitan ng ugong ng kung anong tampalasan? Dagundong na gigimbal sa iyong mundong akala mo’y tahimik nang iinog sa kanyang pagsinta. Ragasa ng kung anong estrangherong ligaw at pilit na bubuwagin ang kapayapaang malaon mo nang inangkin at pinagyaman.

Yaman! Wala kang ibang kayamanan kundi tanging ang kanyang pagibig. Pag-ibig na masaganang namumunga sa gitna ng ilang. Subalit kapagdaka’y lumitaw ang haring araw mula sa kung saan at walang patumanggang sinunog ang iyong mayayabong na sanga. Nagliwanag ang kapaligiran dulot ng ningas ng apoy na nilikha ng katampalasanang sino ang may gawa?

At patuloy ngang nagningas ang apoy. Apoy na tuluyang nagpabagsak sa iyong nauupos na kaluluwa. Apoy na walang humpay na tutupukin ang pagmamahal na sana’y para sa kanya. Ngunit ano nga ba ang mas mainam? Ang manatiling nagmamahal sa isang nilalang na hindi ka kailanman kayang mahalin o ang hayaang matupok na lamang ng nagngangalit na apoy ang damdaming nasayang. Damdaming inialay ng lubos subalit tinanggihan. Damdaming patuloy na ipagtatabuyan hanggang sa kasukdulan ng iyong mga bangungot; hanggang sa huling patak ng butil ng pawis mula sa napapaso mong katawan. Pawis nga ba o luha?

Luha sa iyong mga matang bakit hindi sumuko sa kabila ng kataksilang nasaksihan? Luha sa iyong mga matang bakit hindi mapakiusapang huwag na lamang sanang sumilay? At ang natutustang pagsuyo ay bakit hindi mamatay-matay kahit pa ilang ulit kang ipagtulakan!

Patuloy na nagningas ang apoy. Ngunit ikaw ay tulala sa kawalan. Kahalintulad ay batang paslit na iniwan ng kanyang Inang. Ano’t kapagdaka’y aatungal na katulad ng sa tigre at lulupagi sa tuyot na lupang kukulay sa iyong sunog na katawan. Kaawa-awa.

Ngunit mas kaawa-awang siyang naging duwag sa tawag ng puso. Mas kaawa-awa siyang hindi naramdaman kung gaano kasarap magmahal ang isang katulad mong salat man sa ambon ng kanyang pagsinta ay hitik naman sa dakilang pagibig mula sa kaibuturan ng iyong pusong pinagtibay ng panahon. Oo, marahil siya nga’y hindi ang para sa iyo. Ngunit sino? Sinong makapaguusal? Sinong makahuhula sa ibinubulong ng mga puso ng mga sawing tulad mo o tulad nya?

Bubunghalit ng isang bagong umaga ang kapalaran. Sosorpresahin ang nangahihimlay na dili iba’t ikaw. Babagsak ang malakas na ulan mula sa kalangitan upang diligan ang naghihingalong disyerto ng iyong buhay. Kalangitang sino nga ba ang nakakaalam?

Subalit ikaw ay tulala sa kawalan. Gimbal sa nasaksihan. Patda sa kinatatayuan. Tangan ang tanging sandatang ni minsan ay hindi binitawan –pagibig. Hangga’t maalam kang umibig, patuloy ang buhay. At mula sa kapurit na dagitab sa dako pa roon ay patuloy na magniningas ang apoy ng pagasa. At sa araw ng pagdating niyaong sa iyo’y itinakda, ikaw ay magiging maligaya. Bubukal ang mga batis sa lahat ng sulok ng ilang at pagdaka’y lilikha ng karagatan ng matamis na pag-irog. Tutubo ang mga halaman, bulaklak at punong magbibigay buhay sa istoryang ano’t bakit ngayon lang nasumpungan?

Ano pa’t ikaw ay magiging masaya –at hindi na muling malulumbay pa.

 

mula dito ang larawan at hindi inaangkin ng author ng akdang ito.

Kung Sakali…

guyMaraming taon ang lumipas.

Maraming panahon ang sadyang hinayaang lumipas. Upang ang tinig mo’y makalimutan. Upang ang alaala mo’y tuluyan nang maglaho at lamunin ng bawat araw, buwan, taon, dekada. Subalit ano’t ang palahaw ng puso’y sinlakas ng atungal ng bombang yayanig sa iyong pagkatao, sa iyong buhay, sa iyong lihim na pilit ikukubli subalit hindi magtatagumpay.

Maraming beses ka nang nasawi sa pakikipaglaban. Ilang ulit ka nang tinakasan ng ulirat sa bawat hagupit ng kapalaran. Ngunit bakit sa tuwing imumulat ang iyong mga mata’y tila baga walang naaaninag na liwanag ng katotohanang pilit ididikdik sa iyong isipan.

Baluktot. Ang daang iyong tinahak ay katulad ng likaw ng Ilog Amazona. Paikot-ikot. Paliko-liko. Minsan malawak, makitid, mababaw at kung minsan, singlalim ng pusod ng Dagat ng Kanlurang Pilipinas na dili iba’t siyang lulunod sa iyo kapag hindi ka pa nagising sa reyalidad!

Subalit paano nga ba sabihin sa pusong tigib ng pag-aasam na hindi maaari, na imposible, na walang patutunguhan?

Heto ka na naman. Pipiliting subukang umibig. Magbabalak akyatin ang madulas na dalisdis ng pagmamahal upang sa dako pa roon ay maabot ang tuktok ng bundok ng kasiyahan. Kasiyahang dulot ng karanasang ikaw ay mahalin din kapalit ng pagmamahal na iyong inaalay. Subalit ang totoong pagmamahal ay hindi naghihintay ng kapalit -iyan ang sinasabi nila sa makabagong henerasyon.

Putang-ina kung ganoon! Sinong nilalang ang hindi ninais mahalin kapalit ng pagibig nila?

Sino ang hindi nagbabakasali na sana’y may isang darating para sumaklolo sa kanilang kaawa-awang sitwasyon? Araw-araw, nagbabakasakali ang isang tao. Oras-oras nag-aabang ng pagkakataong masilayan at mapansin ng taong kanilang iniibig. Bawat minuto nangangarap ng gising. At bawat gabi, natutulog ng may pagasang bukas -sa pagdatal ng umaga- ay halimuyak ng magandang mukha ng pagibig ang gigising sa kanya.

Hindi nga ba?

Minsan hindi ko maunawaan ang mundo. May mga paniniwala tayong taliwas sa totoong nararamdaman ng tao. Bakit nga ba kaydaming nagmamalinis sa maduming lipunan gayong bawat isang tao nama’y singdumi ng bawat isa din lamang?

Maraming iskolar ang nagpanukala na ang pagibig ay ganito o ganyan subalit ni sila man ay hindi naranasang mahalin ng totoo sa kanilang buong buhay. Magaling pa ang awit dahil naisasalamin nito ang totoong pangyayari.

Oh kay gulo ng mundo. Kasing gulo ng isip ko…

Kabilugan

Marahang naglakbay ang ulap.

Matamis na susuyuin ang buwan. Iwawagwag ang malambot na buntot at ipapagaspas ang mahalimuyak na bagwis. Aawitin ang sanlaksang himno sa hangin. Susuyurin ang kalawakan at magsasabog ng masaganang ambon.

Ambon. Oh tila kay lakas ng ambon sa buhay ko.

Minsan ko pang nilingon ang buwan. Nagtatago sa kailaliman ng ulap. Duwag!

Ano’t hindi maipakita ang liwanag na taglay. Ano’t ngayo’y tila inakay na nagkukubli sa kaibuturan ng kawalan? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagsabi na ang bawat pagibig ay nagwawakas? Hindi ba’t ikaw na rin ang nagtulak sa pusong lango sa dugo ng kawalang pag-asa. At hindi ba’t ikaw na rin ang kumitil ng buhay sa pagsintang kelan pa nga ba muling mararamdaman?

At yaong karagatang pipi sa iyong mga daing. Yaong kabundukang nagkakailang nangahihimlay sa saliw ng hanging habagat. Ano’t ikaw ay ipinagkanulo sa mapanalantang bagyo? Ano’t hindi nahabag sa iyong kaluluwang sabik sa mainit na yakap at halik.

Oh kay dilim ng landas na aking tinatahak. Nasan ka araw? Nasan ang sanlaksang bintuing isinabog ng Maykapal sa kalawakan upang tanglawan ang aking daan? Hindi ko masilayan. Ang aking mga mata’y hilam sa luhang bakit walang katapusan ang pagdaloy? Ang aking katawang lugmok sa kumunoy ng iyong alaala ay bakit hindi huminahon?

Oh kay liwanag ng buwan. Oh kay sigla ng sikat ng liwanag na magdudugtong sa aking mga pangarap. Pangarap na makamtan ang puso mong bakit tila kay ilap? Pangarap na mahawakan ang iyong mga kamay na bakit tila kay hirap abutin. Pangarap na umuwing kasama ka. Pangarap. Oh ang mga hinabing pangarap. Ano’t nakahandusay sa hagdan ng karimlan. At ang diwang nahirati sa tugtugin ng iyong hininga tuwing ikaw ay tulog at walang malay ay unti unting babangon at gigising sa kabalintunaan ng lahat.

Oh kay liwanag ng buwan. Subalit ito’y nagkukubli sa ulap.

Tulungan mo akong makakita. Hawakan mo ang aking mga kamay upang nang sa gayon ay muling madama ang daloy ng dugo sa aking mga kalamnan. Akayin mo ako patungo sa iyong liwanag at huwag hayaang ibayubay ang sarili sa krus ng kapalaluan.

Itanim mo sa aking isipan kung ano ang tama. Idikdik mo sa aking utak kung ano ang nararapat. Halibasin mo ng kidlat yaring pusong baliw sa iyong pagsuyo. Gisingin mo ako sa bangungot na papaslang sa aking buhay.

Isakay mo ako sa ulap. Pabayaang matanaw ang ganda ng mundong ibabaw. Pabayaang masilayan ang mga anghel na bakit tila kay saya sa kanilang puting kasuotan. Pabayaang sungkitin ang mga bulalakaw na hindi alam kung saan patungo. Hindi nga ba’t sila’y mga kaluluwang naliligaw ng landas. Mga pusong napabayaan. Mga damdaming nakalimutan.

Hungkag yaring gabi.

Kaparis ay pagibig mong matingkad pa sa sikat ng buwan ang kasinungalingan. Kaparis ay ang inalay mong puso na kasing tigas ng bakal. Kaparis ay ang ang hindi mapantayang pagpukaw ng iyong mga alaala sa aking balintataw.

Isa kang magnanakaw… ng puso. Sumisipsip ka ng buhay. Kaparis mo’y ahas na may taglay na kamandag o di kaya nama’y tigreng luluray sa aking naghihingalong katawang lupa. Ngunit hindi ko matanaw ang buwan.

Isang hiling lang ang mayron ang katulad kong sawi. At iyon ay ang makamtan ang puso mong manhid sa katotohanan. Ano’t kay damot ng kapalaran.

Walang senyales ang buwan. Marahil ito man ay tuluyan nang narahuyo sa piling ng ulap na bakit walang kapantay kung magmahal? Marahil ay naakit ng ganda at yumi ng pagibig na bakit ikaw lang ang makapagaalay? Marahil.

Marahil may isang umaga. Pagkatapos ng karimlan ng hatinggabi. Pagkatapos ng mga palahaw ng mga nilalang na uhaw sa kalinga.

Marahil ay pilit na aagawin ang silahis ng araw upang dumatal ang kabilugan sa dakong katanghalian.

Ito ang istorya ng mapait at misteryosong pagibig mo…

Inilalahad ko.

Pumipintig pa rin ang puso.

Naghuhumiyaw pa rin ang isip.

Nagpupumiglas pa rin ang damdamin.

Habang kabilugan…

Kulimlim

Photo by one of my favorites, Sergey Braga.

Kuhang larawan ng isa sa aking mga idolo, Sergey Braga.

At hindi na muli pang sumilay ang araw…

Wari’y nabahiran ng takot ang mga silahis na tila napako sa kani-kanilang direksyon. Ang puso na ninais magpahinga’y bakit ginambala ng iyong mga bulong. Ano’t nakalimutan ang mga adhikaing sana’y maibalik ang kahapon. Ano’t ngayo’y hindi maikubli ang iyong pagluhang hindi na nga ba magwawakas pa?

Sa iyong kanlungan…

Doo’y natipon ang sanlaksang kaligahayang marahil ay nakamtan niyong pusong sabik sa iyong pagsuyo. Subalit ang kalangitan ay nagngalit. Subalit nagbadya ng masamang panahon ang ulap. Ano’t humiyaw ang kulog mula sa kung saan. At ang pusong nahingalay sa dusa’y bakit muling babangon? Aakitin ng iba’t ibang mga kulay mula sa iyong mga matang kailan pa natutong umibig?

Lisanin mo ako. Huwag pabayaang marahuyo sa kahibangang bukas ay nakatakda ring magwakas. Huwag pabayaang magumon sa isang pagsintang walang patutunguhan. Huwag pabayaang malunod sa pagmamahal na bakit tila sayo lamang natagpuan.

Talikuran mo ako. Tunawin ang kahit katiting na paghangang  sisibol sa pusong uhaw sa yakap ng iyong mga bisig. Pawiin ang kahit isang butil ng luhang papatak sa mga matang ano’t biglang nag-alay ng pagmamahal na walang kapantay. Durugin ang bawat batong ipupukol sa aking katawan upang minsan pa’y madama ang tamis ng mabuhay.

Mabuhay… kasama ka.

Oh bakit nga ba kay layo mo? At bakit nga ba hindi sapat ang pagmamahal upang makamtan ang puso mong dati’s kay saya sa piling ko. Hindi ba’t sumumpa kang ikaw at ako? Nasaan? Ipakita mo sa akin ang liwanag ng iyong tinuran. Ituro mo sa akin ang daan upang  sa dako pa roon ay maituwid ang likong landas na bakit nga ba kay dilim.

…Sa alapaap. Kulimlim.

Doo’y naghahari ang poot, ang takot, ang pusong duwag magmahal muli. Iiwasan ang lahat ng panang tatarak sa puso upang hindi mabihag. Tatakasan ang lahat ng pasaring mula iyo upang hindi magtiwalang muli, upang huwag masaktan muli, upang huwag magdusang muli.

Bakit nga ba makulimlim ang bukas? Bakit nga ba hindi matanaw ang liwanag na magdurugtong sa aking hininga? Bakit nga ba walang makapagsasabing ikaw at ako ay habangbuhay na?

Nais kong ipunin ang mga bituin at isabog sa iyong daraanan. Nais kong tugtugin ang plawta at aliwin ang iyong mga gabi. Nais kong palakasin ang aking mga bisig upang mayakap ka at maipadamang hindi lang sya ang kayang mahalin ka. Ngunit kulimlim ang kalangitan.

Ngunit kay dilim ng kalawakan. Kailan may pag-asang dadapo sa iyong mga kamay? Kailan may tagapagligtas na magsasalba sayo sa kawalan? Kailan may mga pusong matututong panghawakan ang kanilang mga pangako sa isa’t isa? Kailan may mga damdaming magiging maligaya?

Nilingon ko ang langit, ang ulap, ang papawirin…

Kulimlim…

Palaso…payaso…

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Bukas…

Tanaw ko ang luntiang bukirin. Nakikiamok sa nakamamatay na sikat ng araw sa dakong katanghalian. Sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na lunurin ang mga talahib at damong ligaw. Ang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga halamang nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan. Nakita ng aking mga mata…

Tanaw ko ang piping bundok. Sa di kalayuan ay naghahambog ng kanyang taglay na kataasan. Subalit ang pagguho ng lupa’y ano’t hinayaang bumulusok sa kanyang nabibigatang paanan. At ang mga nilalang na ligaw sa pusod ng kanyang kagubatan ay bakit tila hindi nahingalay sa pagsipol ng bagyo…ngunit tanaw ko…

Tanaw ko ang asul na karagatang tulad ng iyong mga matang malaon nang nagpaunawa sa mangmang kong kaisipan ng tunay na pagibig. Ang mga along ano’t nagsalimbayan sa iyong balintataw at humabi ng sanlaksang paghanga mula sa buong daigdig. Ang mga patay na sigay na inanod sa nalulumbay na dalampasigan at nagbigay ng kakaibang kagandahan sa baybayin ng iyong pagdatal. Lahat ay tanaw ko…

Tanaw ko ang luhang umusbong sa iyong mga mata. Nang mahati ang langit at lupa at gumuho ang kastilyong yari sa lantay na perlas ng silangan. Subalit sadyang mayroong mga bagay na hindi saklaw ng kapangyarihang biyaya ng maykapal. Subalit may mga bagay na sadyang hindi kayang kalamayin ng isang ekspertong hinog sa karanasan. Subalit may mga bagay na kahit pilitin mo man ay hindi kayang matanaw…

…subalit tanaw ko…

Ang pagwawakas ng sangkatauhan na malaon nang itinakda at nasulat sa hindi mabilang na mga aklat ng kasaysayan. At ang awit ng mga anghel ay ano’t hindi mo maunawaan. Marahil bingi o sadyang nagbibingi-bingihan lamang. Mas piniling manatili sa kawalan ng karunungan upang bukas ay maligtas sa kasalanang ano’t hindi makalimutan. Ngunit tanaw ka Niya…

Ilan mang sigaw ang pakawalan. Ilan mang kampay ng mga bisig ay hindi sasapat upang matawid mo ang ilog ng buhay. Sapagkat nahuli na ang lahat. Sapagkat naiwanan ka ng balsang maghahatid sa kabilang ibayo upang muli’y makamtan ang sarap ng mabuhay.

Tanaw ko ang daigdig. Nalulunod sa pagkagumon. At ang panalanging isinamo kahapon, ngayon at bukas…paulit ulit na pumailanlang sa himpapawid. Upang ikaw ay tubusin. Upang ikaw ay sunduin…upang ikaw ay tanawin…upang…

Tanaw ko ang maraming pagtangis…tanaw ko ang kaluluwang nabahiran ng pait at pagdurusa. Ngunit ngayo’y ano’t nabingi sa tunog ng trumpeta. Ng plawta. Ng kamagong.

Tanaw ko…ang sarili kong kaluluwa. Nauupos. Natutunaw. Naglalaho…

Tanaw ko…