Kahapon

Kahapon may isang ngiti. Nababalot ng liwanag ng pag-asang tila panghabangbuhay. Walang bahid ng karimlan kahit sa kakaunting luhang mananalaytay sa panahon ng taglagas. Ngunit gumising isang umagang tila takip-silim ang nasilayan. Tila niyebe ang pumapatak mula sa madilim na kalangitan. Tila nabura ang ngiting sa mukha’y malaon nang nakalatay. Tila…

Bukas may isang pagwawaging inaasam. May isang tagumpay na pilit aabutin. Katulad ng mga akdang naisulat noong nakaraang dekada. Katulad ng isang estadong nagpupunyagi upang maging malaya at makapagsarili. Katulad ng alon, ng dagat, ng hangin, ng ulan, ng bahaghari. Ito’y isang karugtong lamang ng mga hinabing salitang walang patutunguhan. Sapagkat ang mundo ay mapanghamak, mapanghusga at mapang-alipusta. Katulad mo, katulad nila. Katulad ng kahapon.

Natanaw ko ang dagat mula sa bintanang pagod sa ilang libong taong pagmamasid. Bughaw na kulay na tila hindi kukupas kahit mahaluan ng ulan. Asul na along nag-aalpas ngunit hindi kailanman makakatakas sa kanyang pagkabilanggo. Ano pa nga ba ang magagawa kung hindi ang maghintay ng takdang panahon na siya’y mabibiyayaan ng pares ng bagwis upang makalipad.

…palayo sa kapalarang hindi niya ninais maranasan. Kapalarang nagdulot ng pagdurusa at paghihinagpis ng pusong hindi alam kung paano lulunasan ang sugat. Sugat na dulot ng kawalang pakundangan. Sugat na dulot ng pagtataksil. Sugat na bukas ay pilit hihilumin ng agos. Agos ng dugong mananalaytay patungo sa kamatayan. Kamatayang dili iba’t siyang inaasam.

Dinggin mo ang halakhak ng alon. Kalamayin ang digmaang sa puso mo’y naghahari mula pa noong kahapon. Kahapong alaala ay wala kung hindi pait at isang pira-pirasong larawan ng harding dati-rati’y humahalimuyak sa bango at ganda. Winasak ng isang pagkagumon sa iyong pagdalaw. Sinira ng isang pagkahaling sa walang kwentang pagsuyong hindi na dapat umusbong pa. Sa iyo. Sa akin. Sa atin.

Kahapon may isang ikaw. Napadaan sa nalulumbay na hardin ng aking buhay. Walang bahid ng kasinungalingan kahit sa kakaunting pagaalinlangang iyong nasaksihan. Ngunit gumising isang hating-gabing tila delubyo ang namalasan. Tila wakas ng daigdig ang pilit na lumalamon sa dating makinang na karwaheng kinahihimlayan. Tila nawalan ng giya sa gitna ng mabatong landas sa kaparangan ng Gresya. Tila…

5 thoughts on “Kahapon

  1. wow anglalalin ng mga salitang tagalog. napipilitan akong ulit-uliting basahin hanggang makuha ko ang mensahe. napakaganda. natututo rin ako ng mga salitang tagalog na patula dahil hindi ko naririnig sa common conversation ang mga salitang ito lalo pa’t bihira na akong pumupunta ng pilipinas.

    pilit kong sinusubukang sumulat. darating din ako dyan kahit naman hindi ganyan kaganda.

    thanks for sharing!

    • Hi Imelda, thanks for the comment. I appreciate the compliment. Yes, if you have the will to write, you can produce artistic essays or poetry. I always encourage everyone na magsulat lalo na sa Tagalog or Filipino kasi unti unti nang nawawala ang mga makata at mga Tagalog na Panitikan. Sang bansa ka pala nakatira ngayon Ma’am?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s