Dagitab

Oil-Lamp-4cf54092cf538_hires

para kina Yer at Rob

At patuloy ngang nagningas ang apoy. Apoy na tutupok sa iyong pagal na katawang lupang pilit babangon sa pagkasubasob sa tigang na disyerto ng kahapon.

Oo kahapon! Ginambala ng malakas na ihip ng malabagyong hangin ang walang katapusang kapatagan ng ilang. Umindayog ang mahaharot na alikabok na nakalutang sa iyong balintataw. Naalimpungatan ang mga tila baga’y nangahihimbing na rolyo ng tuyong sanga at baging na pinagbuhol-buhol ng panahon. Panahong siya’y iyong kaulayaw. Panahong siya’y iyong kapiling. Panahong dili iba’t nasayang. Panahong ikaw at siya’y nagdiriwang sa musikang nilikha ng mga halamang ano’t kay tutulis ng tinik na tatarak sa puso?

Oh ang puso! Puso mong kahapo’y kay ligaya – tila walang hanggang kaluwalhatian lamang ang nag-aalab. Ano’t ngayo’y balot ng pagdadalamhating hindi kayang ipaliwanag kahit sumugod pa ang pinakamatatalinong pantas? Ano’t ngayo’y tumatangis na tila ba hindi na mapapatahan ng sanlaksang kaligayahang kailan pa nga ba dadatal?

Pagdatal – ng ngiti, ng bagong pag-asa, ng bagong pagibig, ng bagong ligaya! Hindi iba’t iyong hinintay mula pa noon subalit tila naglahong usok ng nagbabagang batis na unti-unting naiiga sa init ng araw. At ang musikang nagpalundag sa iyong nalulumbay na damdamin ay bakit unti-unting napalitan ng ugong ng kung anong tampalasan? Dagundong na gigimbal sa iyong mundong akala mo’y tahimik nang iinog sa kanyang pagsinta. Ragasa ng kung anong estrangherong ligaw at pilit na bubuwagin ang kapayapaang malaon mo nang inangkin at pinagyaman.

Yaman! Wala kang ibang kayamanan kundi tanging ang kanyang pagibig. Pag-ibig na masaganang namumunga sa gitna ng ilang. Subalit kapagdaka’y lumitaw ang haring araw mula sa kung saan at walang patumanggang sinunog ang iyong mayayabong na sanga. Nagliwanag ang kapaligiran dulot ng ningas ng apoy na nilikha ng katampalasanang sino ang may gawa?

At patuloy ngang nagningas ang apoy. Apoy na tuluyang nagpabagsak sa iyong nauupos na kaluluwa. Apoy na walang humpay na tutupukin ang pagmamahal na sana’y para sa kanya. Ngunit ano nga ba ang mas mainam? Ang manatiling nagmamahal sa isang nilalang na hindi ka kailanman kayang mahalin o ang hayaang matupok na lamang ng nagngangalit na apoy ang damdaming nasayang. Damdaming inialay ng lubos subalit tinanggihan. Damdaming patuloy na ipagtatabuyan hanggang sa kasukdulan ng iyong mga bangungot; hanggang sa huling patak ng butil ng pawis mula sa napapaso mong katawan. Pawis nga ba o luha?

Luha sa iyong mga matang bakit hindi sumuko sa kabila ng kataksilang nasaksihan? Luha sa iyong mga matang bakit hindi mapakiusapang huwag na lamang sanang sumilay? At ang natutustang pagsuyo ay bakit hindi mamatay-matay kahit pa ilang ulit kang ipagtulakan!

Patuloy na nagningas ang apoy. Ngunit ikaw ay tulala sa kawalan. Kahalintulad ay batang paslit na iniwan ng kanyang Inang. Ano’t kapagdaka’y aatungal na katulad ng sa tigre at lulupagi sa tuyot na lupang kukulay sa iyong sunog na katawan. Kaawa-awa.

Ngunit mas kaawa-awang siyang naging duwag sa tawag ng puso. Mas kaawa-awa siyang hindi naramdaman kung gaano kasarap magmahal ang isang katulad mong salat man sa ambon ng kanyang pagsinta ay hitik naman sa dakilang pagibig mula sa kaibuturan ng iyong pusong pinagtibay ng panahon. Oo, marahil siya nga’y hindi ang para sa iyo. Ngunit sino? Sinong makapaguusal? Sinong makahuhula sa ibinubulong ng mga puso ng mga sawing tulad mo o tulad nya?

Bubunghalit ng isang bagong umaga ang kapalaran. Sosorpresahin ang nangahihimlay na dili iba’t ikaw. Babagsak ang malakas na ulan mula sa kalangitan upang diligan ang naghihingalong disyerto ng iyong buhay. Kalangitang sino nga ba ang nakakaalam?

Subalit ikaw ay tulala sa kawalan. Gimbal sa nasaksihan. Patda sa kinatatayuan. Tangan ang tanging sandatang ni minsan ay hindi binitawan –pagibig. Hangga’t maalam kang umibig, patuloy ang buhay. At mula sa kapurit na dagitab sa dako pa roon ay patuloy na magniningas ang apoy ng pagasa. At sa araw ng pagdating niyaong sa iyo’y itinakda, ikaw ay magiging maligaya. Bubukal ang mga batis sa lahat ng sulok ng ilang at pagdaka’y lilikha ng karagatan ng matamis na pag-irog. Tutubo ang mga halaman, bulaklak at punong magbibigay buhay sa istoryang ano’t bakit ngayon lang nasumpungan?

Ano pa’t ikaw ay magiging masaya –at hindi na muling malulumbay pa.

 

mula dito ang larawan at hindi inaangkin ng author ng akdang ito.

Advertisements

Palaso…payaso…

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Bukas…

Tanaw ko ang luntiang bukirin. Nakikiamok sa nakamamatay na sikat ng araw sa dakong katanghalian. Sumasayaw sa simoy ng hanging ano’t may lakas na lunurin ang mga talahib at damong ligaw. Ang kabukirang nahihimlay sa lilim ng mga halamang nagsisipagkandirit sa saliw ng nakaririnding katahimikan. Nakita ng aking mga mata…

Tanaw ko ang piping bundok. Sa di kalayuan ay naghahambog ng kanyang taglay na kataasan. Subalit ang pagguho ng lupa’y ano’t hinayaang bumulusok sa kanyang nabibigatang paanan. At ang mga nilalang na ligaw sa pusod ng kanyang kagubatan ay bakit tila hindi nahingalay sa pagsipol ng bagyo…ngunit tanaw ko…

Tanaw ko ang asul na karagatang tulad ng iyong mga matang malaon nang nagpaunawa sa mangmang kong kaisipan ng tunay na pagibig. Ang mga along ano’t nagsalimbayan sa iyong balintataw at humabi ng sanlaksang paghanga mula sa buong daigdig. Ang mga patay na sigay na inanod sa nalulumbay na dalampasigan at nagbigay ng kakaibang kagandahan sa baybayin ng iyong pagdatal. Lahat ay tanaw ko…

Tanaw ko ang luhang umusbong sa iyong mga mata. Nang mahati ang langit at lupa at gumuho ang kastilyong yari sa lantay na perlas ng silangan. Subalit sadyang mayroong mga bagay na hindi saklaw ng kapangyarihang biyaya ng maykapal. Subalit may mga bagay na sadyang hindi kayang kalamayin ng isang ekspertong hinog sa karanasan. Subalit may mga bagay na kahit pilitin mo man ay hindi kayang matanaw…

…subalit tanaw ko…

Ang pagwawakas ng sangkatauhan na malaon nang itinakda at nasulat sa hindi mabilang na mga aklat ng kasaysayan. At ang awit ng mga anghel ay ano’t hindi mo maunawaan. Marahil bingi o sadyang nagbibingi-bingihan lamang. Mas piniling manatili sa kawalan ng karunungan upang bukas ay maligtas sa kasalanang ano’t hindi makalimutan. Ngunit tanaw ka Niya…

Ilan mang sigaw ang pakawalan. Ilan mang kampay ng mga bisig ay hindi sasapat upang matawid mo ang ilog ng buhay. Sapagkat nahuli na ang lahat. Sapagkat naiwanan ka ng balsang maghahatid sa kabilang ibayo upang muli’y makamtan ang sarap ng mabuhay.

Tanaw ko ang daigdig. Nalulunod sa pagkagumon. At ang panalanging isinamo kahapon, ngayon at bukas…paulit ulit na pumailanlang sa himpapawid. Upang ikaw ay tubusin. Upang ikaw ay sunduin…upang ikaw ay tanawin…upang…

Tanaw ko ang maraming pagtangis…tanaw ko ang kaluluwang nabahiran ng pait at pagdurusa. Ngunit ngayo’y ano’t nabingi sa tunog ng trumpeta. Ng plawta. Ng kamagong.

Tanaw ko…ang sarili kong kaluluwa. Nauupos. Natutunaw. Naglalaho…

Tanaw ko…

Unos

Hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ano’t sa kabila ng mga nagdaang bagyo ay hindi pa rin maiwaglit ng langit ang katampalasanang ginawa. Marahil ikaw ay isang pagsubok na hindi na kailanman mabubura kahit pa ilang milya ang lakbayin ng mga paang sabik sa paroroonan.

Minsan pinilit kong tapakan ang makahiya kahit ang talampaka’y nagdurugo sa tusok ng mga tinik nito. Minsan pinilit patayin ang pag-asang uusbong na may isang tulad mo na babalik at magsasabog ng makikinang na bituin. Minsan ninais kong sisirin ang kalaliman ng pag-iimbot na bakit hinding hindi lumisan sa aking nalulumbay na mundo. Minsan ginamit kong sandata ang pag-ibig na nabuo upang takasan ang masakit na katotohanang wala ka na at kahit ilang bukas pa ang dumating…kahit ilang araw pa ang sumikat sa umaga…kahit ilang takipsilim ang dumatal…ay wala ng aalo sa nangingilid na luhang walang karapatang pumatak.

Siguro’y mali ako. Siguro’y hindi ka nararapat sa akin, o ako man sa iyo. Siguro’y sadyang walang kislap ang nabuo nating lampara. Siguro’y sadyang hindi makayang liwanagan ang daan upang sa dako pa roon ay magbunga ng ligayang inaasam kahit noong wala ka pa. At ngayon nga’y wala ka na. Ano pa ba ang silbi ng paghahabi ng mga istoryang hindi mo naman mababasa. Ano pa ba ang kahulugan ng buhay kung sa huli’y magwawakas ding tulad ng mga punong natutuyo sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ano pa ba ang dahilan at humihinga pa rin…

Hindi lang sa iyo natatapos ang kabanata ng buhay. Ang sabi ng mga pantas na magaling sa kanilang pagpapayo subalit wasak ang mga sariling buhay. Hindi lang ikaw ang marunong umibig sa mundo at marahil may ibang darating para sa bawat isa. Kung gayon ay isang kahangalan ang matutuhan ang tunay na kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng isang taong hindi naman pala para sa iyo. Isang kalokohan ang maramdaman ang tunay na pag-ibig sa isang taong pagkatapos ng lahat ay lilisan at iiwanan ang kanyang buhay. Hindi nga ba’t minsan ay narinig kong sinabi mo iyon…

Naramdaman kong kay sarap tumawa sa mga panahong wala kang dahilan para gawin ito. Napatunayan kong kay sarap lumipad kapag ang isa mong bagwis ay may sugat na dulot ng huli mong pagkawala ng panimbang at tuluyang pagbagsak sa bangin ng kawalan. Naisip kong kaya ko palang mabuhay na walang tinapay at tubig kung may katalinuhang taglay. Naisip kong hindi pala ikaw ang tunay na kahulugan ng buhay…

Hindi ko mapigilan ang ulan. Marahil masyadong makitid at makipot ang aking mga palad upang sanggahan ang pagkabasa ng mundo. O ang pait. O ang pagkamatay ng aking damdamin. O ang paglalaho ng aking pagmamahal. O ang sinag ng buwan. O ang simoy ng hangin. O ang mga unos na parating pa lamang.

Kahapon

Kahapon may isang ngiti. Nababalot ng liwanag ng pag-asang tila panghabangbuhay. Walang bahid ng karimlan kahit sa kakaunting luhang mananalaytay sa panahon ng taglagas. Ngunit gumising isang umagang tila takip-silim ang nasilayan. Tila niyebe ang pumapatak mula sa madilim na kalangitan. Tila nabura ang ngiting sa mukha’y malaon nang nakalatay. Tila…

Bukas may isang pagwawaging inaasam. May isang tagumpay na pilit aabutin. Katulad ng mga akdang naisulat noong nakaraang dekada. Katulad ng isang estadong nagpupunyagi upang maging malaya at makapagsarili. Katulad ng alon, ng dagat, ng hangin, ng ulan, ng bahaghari. Ito’y isang karugtong lamang ng mga hinabing salitang walang patutunguhan. Sapagkat ang mundo ay mapanghamak, mapanghusga at mapang-alipusta. Katulad mo, katulad nila. Katulad ng kahapon.

Natanaw ko ang dagat mula sa bintanang pagod sa ilang libong taong pagmamasid. Bughaw na kulay na tila hindi kukupas kahit mahaluan ng ulan. Asul na along nag-aalpas ngunit hindi kailanman makakatakas sa kanyang pagkabilanggo. Ano pa nga ba ang magagawa kung hindi ang maghintay ng takdang panahon na siya’y mabibiyayaan ng pares ng bagwis upang makalipad.

…palayo sa kapalarang hindi niya ninais maranasan. Kapalarang nagdulot ng pagdurusa at paghihinagpis ng pusong hindi alam kung paano lulunasan ang sugat. Sugat na dulot ng kawalang pakundangan. Sugat na dulot ng pagtataksil. Sugat na bukas ay pilit hihilumin ng agos. Agos ng dugong mananalaytay patungo sa kamatayan. Kamatayang dili iba’t siyang inaasam.

Dinggin mo ang halakhak ng alon. Kalamayin ang digmaang sa puso mo’y naghahari mula pa noong kahapon. Kahapong alaala ay wala kung hindi pait at isang pira-pirasong larawan ng harding dati-rati’y humahalimuyak sa bango at ganda. Winasak ng isang pagkagumon sa iyong pagdalaw. Sinira ng isang pagkahaling sa walang kwentang pagsuyong hindi na dapat umusbong pa. Sa iyo. Sa akin. Sa atin.

Kahapon may isang ikaw. Napadaan sa nalulumbay na hardin ng aking buhay. Walang bahid ng kasinungalingan kahit sa kakaunting pagaalinlangang iyong nasaksihan. Ngunit gumising isang hating-gabing tila delubyo ang namalasan. Tila wakas ng daigdig ang pilit na lumalamon sa dating makinang na karwaheng kinahihimlayan. Tila nawalan ng giya sa gitna ng mabatong landas sa kaparangan ng Gresya. Tila…