Palaso…payaso…

Minsan pang nilingon ang bahaghari. Hungkag. Walang kulay. Walang buhay.

Inipon ang bawat pighati sa hangin. Dinaluhong ng mga higanteng pilit wawasakin ang iyong tanggulan na buong buhay na pinanday ng bawat nakaraan, ng bawat pagtalikod sa isang masayang kinabukasan, ng alon, ng huni ng kuliglig sa gabing malaon ng tinakasan ng antok.

Pinilit na ikubli ang bawat patak ng ulan. Pinilit sanggahan ng marurupok na palad ang pagkalumbay na bakit hindi nga ba malunod ng isang batyang tubig alat na ninakaw sa pusod ng dagat. At itong pusong kahit noong una pa man ay tinakot na ng dagundong ng kulog ay ano’t hindi natinag. Isinabog ang pag-ibig mula sa kalangitan, umulan ng sanlaksang mga puso at palasong tatarak sa iyong kaibuturan ngunit bakit tila hindi tinablan. Minsan bakit hindi kayang malirip ang pagsintang sayo lamang inialay. Noon. Kahapon. Ngayon…

Marahil nga’y isa ka lamang panandaliang ngiti na saglit na pumawi sa dilim ng dapit-hapon sa kanyang buhay. Marahil hindi siya dapat narahuyo sa iyong mapang-akit na kagandahan. Marahil hindi ikaw ang itinakda. Marahil mas mainam na hindi ka na lamang nasumpungan sa gitna ng kanyang pagkawala sa lantay na sementadong gubat na lalapa sa kanyang kinabukasan. Marahil hindi ikaw iyon…

Ilang ulit mang paging-dapatin ng langit ay hindi na maibabalik. Ang pait na inani ay habangbuhay na nga bang kakambal ng pagkakataong lumigaya sa piling ng isang nakatakdang dumating sa hinaharap. Ngunit paano nga ba ang maghintay sa isang parating galing sa hinaharap kung ang hinaharap ay naglaho na. Sapagkat ikaw ang bukas. Sapagkat ikaw ang sa dako pa roon. Sapagkat ikaw ang lantay na bahagharing tulay sa pagdaloy ng mga ngiting kelan pa nga ba muling masisilayan.

Marahil nga’y may umagang naghihintay pagkatapos ng dilim ng gabi. Ngunit alin nga ba ang mas matuwid, ang paniwalain ang sariling puso sa hindi sinasadyang pagtalikod sa pangakong binitiwan o ang maghintay sa isang umagang hindi na kailanman sasapit pa.

Bakit may mga pusong hindi makasumpong ng daan. Saan may magsasabing ang buhay ay maikli lamang kaya’t nararapat na ito’y samantalahin at gawing makulay. Saan may tuwa? Pag-asa? Ligaya kasama ng mga anghel na bakit hindi magawang awitan ang pagdadalamhati dulot ng iyong paglisan. Saan may mga bisig na mahihimlayan ang pusong pagod sa mahabang paglalakbay ng dahil sa pagsisikap na mahanap ka. Sunduin ka. Iuwi ka. Angkinin ka. Kailan? Saan?

May hininga at buhay pa akong natitira. Subalit tila hindi ko batid kung paano pa gugulin ang natitirang mga araw bago mahingalay at tuluyang magawang maglaho sa lamig ng hangin sa gitna ng maputing nyebeng bakit hindi madama kahit hubad sa katotohanang sana’y kapiling ka.

At bukas. Pipilitin kong huwag nang lumingon pa sa bahaghari. Huwag nang balikan pa ang isang tulad mong naligaw isang araw sa aking landas. Nagpakita ng maraming kulay sa aking umaga. Ngunit mabilis ding naglaho pagkatapos ng ambon. Isang natural na pormang lumikha ng magandang tanawin ngunit hindi nakunan ng larawan.

Bukas muling sisikat ang araw. Wala man ang bahaghari…hindi iyon isang kabawasan…hindi iyon…hindi ikaw…

Pagkagumon

Muling namayani ang poot. Ang bawat ampiyas ng galit na tila hindi na magwawakas. Muling babangon ang pagkadismaya ng araw sa hindi inaasahang pagbugso ng bagyo. Marahil hindi na maalala ng mapamili mong memorya ang nakaraan. Marahil hindi na magawang balikan ng batugan mong pag-iisip ang nakalipas. Sapagkat kung para sa iyong pananaw ay walang mahalagang pangyayaring nararapat isulat, isa kang hangal! Isang nilalang na walang patutunguhan kung hindi ang pagkalunod sa batis ng kanyang maliit na tagumpay. Isang lantarang kasinungalingan.

Isa kang mandarambong! Isang maalat na tubig ng dagat na hindi magawang luminaw kahit haluan ng tabang. Isang malakas na buhos ng ulan na hindi na maawat ng pinakamainit na sinag ng haring araw. Isang masahol pa sa itim na ulap na babagsak sa lupa at lilikha ng sanlaksang kaguluhan. Isang perpektong kasalanan. Isang busilak na kaluguran ng ibong uhaw sa paglipad sa walang hanggang kalawakan.

Ikaw ang salarin! Magnanakaw ng ngiti sa kanyang mga labi. Hinablot ang nag-iisang pag-asang dapat sana’y naging bantayog ng kanyang tagumpay. Isa kang gahaman! Nilimas ang lahat ng kayamanang magluluklok sa kanya sa trono ng katuwaan. Giniba ang palasyong magpupugay sa kanya bilang isang manananggol ng kapayapaan. Ikaw! Ikaw ang may sala! Ikaw ang nararapat magdusa! Ikaw na tulad ay damong ligaw sa parang…ikaw!

Muli kong narinig ang tunog ng tambol at mga lira. Ano’t hindi nagawang umindak katulad ng dati. Ano’t hindi nakuhang sumayaw sa saliw ng kabuktutang ikaw lamang ang nakakaunawa. At ang awit na malaon ng nakalimutan ng kaluluwa’y ano’t patuloy na papatakan ng luhang walang makatarungang dahilan.

Muling nag-alab ang pagkamuhi. Isa isang pupuksain ang iyong mga alala. Isa isang dudurugin ang mga batong ipinukol ng madla ng dahil sa pag-aakalang may bukas pang darating. Sila man ay mga hangal din! Mga utak-biyang hindi kailanman makakaunawa ng totoong kahulugan ng buhay.

Muling namayani ang poot. Isa isang buburahin ang mga mantsang dulot ng pagkagumon sa maling gamot. Hanap ko ay lunas sa sakit na nararamdaman subali’t ang natagpuan ay lunas sa sobrang kasiyahan. Isang panghabangbuhay na panlilinlang. Isang panghabangbuhay na kasawian. Isang panghabangbuhay na pagkahaling sa epektong dulot ng kamunduhan.

Poot. Galit. Pagkamuhi…ay ilan lamang sa mga bagay na pilit iwawaglit sa aking sistema upang muling madama ang lamig ng pagpatak ng niyebe. Upang muling matutong kilalanin ang mundo. Ang ako. Ang ikaw. Ang lahat.