hindi ako ang ibong adarna

Nakatingin ka na naman sa kawalan. May dungis sa iyong pakpak.

Oo. Sinabi ko naman sa iyo na hindi ka nya minahal. Ang lahat ay sadyang laro lamang. Bakit hindi mo magawang kalimutan ang isang putang inang walang ginawa kung hindi saktan ka? ‘Hindi ko na alam ang gagawin ko,’ ang laging daing mo sa akin. Kung ganun, bakit hindi mo subukang pakinggan ang payo ng iba, ng lahat, ng mundo, ng tulad ko…

Bilib ako sa iyo dahil ilang daang taon ka na bang nagtitiis? Nananahimik. Nagsasarili —ng mga bagay na masakit sa iyong kalooban ngunit ni minsa’y hindi pinakawalan. Ni minsa’y hindi isinigaw sa mukha nyang garapal at walang pakiramdam. Ni minsa’y hindi ipinaramdam sa manhid nyang puso. Ni minsa’y…

“Saan ako nagkamali,” ang tanong mo kanina. Tanong mo rin kahapon at tanong mo bukas. Bakit hindi mo kaya subukang magpatihulog na lang sa bangin upang malaman mo kung saan ka nagkamali? Anong pangaral ba ang tatalab sayo. Bakit hindi mo na lang iputan ang sarili mong ulo upang ikaw ang maging bato? Siguro nga bagay kayong dalawa ng damuho at pangahas na prinsipeng iyon. Dahil pareho kayong matigas ang ulo at nananalig sa sariling karunungan na obyus naman na hindi uubra! Napapagal na ang aking bibig…ngunit kaibigan kita. Kaibigan kita dahil may pinagsamahan tayo. Kaibigan kita dahil mula noon hanggang ngayon ay… Kaibigan kita dahil ako ang kanlungan mo at ikaw rin ay lilim mo. Kaibigan kita dahil…

Namumugto na naman ang mga mata mong hindi ko na mawari kong totoong nakakakita pa ng liwanag. Ni hindi na ako sigurado kung nakikita mo pa ako. Kung nakikilala mo pa kung sino ako. Kung malinaw ba sayo ang mga pangungusap ng mga mata ko. Kung nauunawaan mo ba ang ekspresyon na lagi na’y nakabahid sa mukha ko at nakalatay sa mga bisig kong yayakap sayo sa tuwing wala siya.

Sa tuwing wala siya…Hanggang kailan ang sa tuwing wala siya? Gaano kadalas ang sa tuwing wala siya? Sa tuwing wala siya gayong hindi naman siya naparito sa iyo sa simula pa lang. Dahil hindi siya sa iyo. Dahil may may-ari na sa kanya. Dahil hindi ka nya kilala. Ako, kilala kita…kilala mo ba ako?

Isang araw nagpaalam ka at sabi mo’y nais mong matutong lumipad muli. Inihatid kita sa ulap ngunit kinailangan kong bumabang muli dahil sa hanggang doon lamang ang kaya ng bagwis ko. Naglaho ka. Nilisan ako na hindi man lang nasabi na sana’y umulan na lang ng malakas upang hindi ka makalipad at tuluyan nang bumalik sa akin. Sa pugad ng ating pagsuyo. Sa mga dahong ngayo’y ano’t nalalanta sa konting darang ng araw. Bumalik akong mag-isa, sa puno ng Piedras Platas na minsa’y nagsindi ng sanlaksang makukulay na liwanag sa aking buhay…noong kasama pa kita. Noong andito ka. Noong may ngiti pa. Noong may saya pa. Noong…

Naghintay ako sa iyong pagbabalik. Pinanood ang mga sanga ng Piedras Platas habang isa isa silang natutuyo at nababali sa tangkay ng pagibig na minsa’y nabuo sa bundok ng Tabor. Nanungaw ako sa mga bulaklak na uunti-unting pinapanawan ng kinang sa iyong pagkawala. Nais kong isalba ang Piedras Platas upang huwag patuloy na mawasak din ang tanging daigdig na alam ko. Sinikap kong umawit upang minsan pa’y makatulog ang napapagod kong kaluluwa. Subalit lalong umingay sa isip ko. Lalong nabuhay ang giyera ng mga agila at uwak na pilit dumadagit sa puso kong inakay sa larangan.

At pagkatapos ng mahabang siklo ng mundo, nang ang lahat ay tuluyan ng nag-iba. At ang Piedras Platas ay isang ordinaryong punong pinilit mabuhay sa ordinaryong tubig ulan na di katulad ng awit mo. Ng lambing mo. Ng pagmamahal mo. Ng…

…ay dumating siya. Hinahanap ka nya. Hindi ako makasagot. Hindi makaimik. Hindi masabing “putang ina mo, bakit ngayon ka lang?! Wala na sya!” Sa halip ay sinabing, “namasyal lang siya, pwede mo siyang hintayin diyan sa lilim ng puno. Baka sakaling bumalik sya.” Pagkatapos ay narahuyo sa prinsipeng iyong kinabaliwan. At pagdaka’y nais kong umawit upang makatulog siya at manatili dito kasama ko. Ngunit walang lumabas na tinig sa bibig ko. Natitigang ang lalamunan ko.

Sinikap kong paypayan ng aking sabik na bagwis ang isang kagandahang kapiling ko ngayon dahil sayo. Ngunit hindi ko siya mapatulog. Ngunit hindi ko siya mapatahan. Ngunit…

“Hindi na ata siya babalik. Hindi ko na kayang maghintay,” ang sabi ng prinsipe. Pagkatapos ang nangusap ang berde niyang mga mata. Ang kulay ng hamog sa mga burol at talampas na aking nilakbay nung kasiglahan ko pa. Ang kulay ng bahagharing nagdurugtong sa ulap at sa lambak ng kayamanang ni minsa’y hindi ko narating. Ang kulay…

Ngayon nauunawaan ko na rin kung bakit narahuyo ka sa kanya. Dahil isa siyang magandang nilalang na bihirang mapadpad sa bundok Tabor. Bihirang magpahinga sa lilim ng Piedras Platas. Umiibig na ako sa kanya. At umiibig na siya sa akin. Ngunit hindi ko siya maawitan. Ngunit hindi ko siya mapaypayan tulad ng malambing mong bagwis at maladiyosang buntot. Ngunit hindi ko mapasindi ang sanlaksang makukulay na ilaw ng Piedras Platas. Ngunit…

Niloloko ko lang ang sarili ko. Maaari bang huwag kong linlangin ang kasakdalan ng bundok Tabor na minsang naging pugad ng ating suyuan. May pag-ibig na nabuo ngunit hindi maisakatuparan. May mga nais makamit ngunit ito’y pangarap lamang. Nais ko siyang angkinin ngunit siya’s sa iyo. Nais ko siyang yakapin ngunit hindi sapat ang init ko. Nais ko siyang mahalin ngunit hindi ko kailanman maibibigay ang makukulay na kristal na galing sa iyong mahika. Mahal ko siya ngunit hindi ako ikaw.

Oo. May dungis sa aking pakpak. Ngunit hindi ako ang ibong adarna.

12 thoughts on “hindi ako ang ibong adarna

  1. Grabeh! Super Makata itoooohhh!!! naloloka ako…pero ang ganda, pwamizzz!!! Can i be ur frend??? Hahah! Just asking…la lng! e-mail me…yon!

  2. Naku I’ve also had the same or related experience kaya sobrang nakarelate ako kahit malalim ung tagalog mo. Yeah, it’s true, you’ll never know when love will end. It will just leave you abruptly with nothing to show oftentimes and if you aren’t ready, you’re dead. Lols, talking ’bout experience. This blog makes me cry…

  3. Hihihi, ala puh talagang Tulanghabi sa Philippine literature. Pero ngayon, meron na. This is the reason why I decided to introduce it. It aims to promote and develop poetry in the form of essays. Very interesting and acknowledging ang pagsulat ng tulanghabi since it is considered poetry rather than a plain essay that needs citations or should be based on the informative side whatsoever…so yun puh…hihihi…

  4. bongga!!!! nosebleeding ang atake mo… akala ko english lang ang nakakanosebleed.. mas grabe pa pala ang tulanghabi mo… how i wish makapag tulanghabi din ako.

    but i like it very much…

    im noed’z napadaan lang sa blogs mo…

    good job and keep on doing more tulang habi…

    e-mail u naman ako, baka meron ka pa dyan…

    • Salamat Noed. Sorry, super late response. Nakalimutan ko password ko sa blog na to for three years diko sya nabuksan. Ngayon lang ulet. Nagulat nga ako ang dami ng comments pagbukas ko. Natouch naman ako sa dami ng sumusuporta at nakaka appreciate ng ginagawa ko.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s